DILG sang-ayon sa hakbang ng JTF COVID Shield tungkol sa online reporting ng paglabag sa quarantine

Sinang-ayunan at idinepensa ng Department of the Interior ang Local Government (DILG) ang hakbang ng Joint Task Force COVID Sheild na hikayatin ang mga netizens na i-report ang mga violators ng quarantine protocols sa kanilang facebook page upang ma-monitor ito ng PNP sa pamamagitan ng social media.

Pinapurihan ni DILG Secretary Eduardo Año ang naturang hakbang na aniya ay "nagtutulak sa citizen engagement sa pamamagitan ng social media platforms at umaapela ito sa mga kabataang may malasakit at sa kalusugan at kalagayan ng mga Pilipino".

"Ngayon na-flattened na ang po ang COVID-19 curve, mas lalo dapat tayong maging makngat at alerto upang tuluyan nang mabawasan ang mga active cases. Habang hinihintay natin ang pagdating ng bakuna, mas lalo nating pag-ibayuhin ang pag-iingat at pagpapatupad ng minimum health standards," ayon kay Año.

Nauna dito, inatasan ni PNP JTF COVID Shield Commander Gen Guillermo Eleazar ang lahat ng police station na imonitor ang mga social media platforms para sa mga posibleng paglabag sa quarantine protocols at i-tag ang JTF FB page kung meron silang makikitang mga litrato at online violations ng mga health and quarantine guidelines.

Pinasinungalingan naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang mga kritisismo na paglabag umano sa right to privacy ang paggamit ng facebook o social media para mag-imbestiga ng mga violations dahil wala aniyang paglabag kung ang indibidwal mismo ang nag-post nito online.

"Hindi natin pwedeng proteksyonan ang isang tao kung sila mismo ay walang ginawa para isapribado ang mga bagay-bagay," dagdag pa nito.

Kanyang binanggit ang Supreme Court ruling na Vivares vs St. Theresa's College kung saan ang mga estudyante ay nag-post ng kanilang mga hubad na larawan sa social media at hindi pinayagan sumali sa batch graduation ceremony. Sinabi ni Malaya dito na walang paglabag sa right to privacy dahil ang tao mismo ang nag-post ng materyales online.

"Sa kabilang banda, malaki ang pagkakaiba nito sa pag-eespiya at hacking sa social media ng tao upang palakasin ang kaso laban sa kanya kumpara sa paggamit ng kanyang social media post bilanv ebidensya kung saan siya mismo ang gumawa ng paglabag. May violation ka na nga, pinangangalandakan mo pa sa social media," sabi pa nito.

Ang mga karaniwang violation sa socmed ay mass gatherings o celebration, inuman, hindi pag-sunod sa physical distancing, walang face-mask at pag-angkas da motorsiklo ng mga hindi autorisadong indibidwal.

Pinayuhan ni Malaya ang mga netizens na dapat maingat, panatilihin ang pagiging pribado at isipin kung ano ang dapat i-post sa socmed.

"Alam dapat ng netizens na sa pag-upload nila ng impormasyon online, permanente na itong available online, at hindi na nila kontrolado kung saan ito magamit. Dahil ito ay public post na, ang PNP ay may karapatan na gawin itong basehan sa pagsasagawa ng imbestigasyon kung kinakailangan," ayon kay Malaya.

Ayon pa sa kanya, ang mga hackers ay maaring pasukin ang kanilang fb page at kumuha ng impormasyon na maaari nilang magamit kung ano man ang ibig nilang gawin dito.

Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/DILG-sang-ayon-sa-hakbang-ng-JTF-COVID-Shield-tungkol-sa-online-reporting-ng-paglabag-sa-quarantine/NC-2020-1313

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System