DILG nag-hire na ng unang batch ng 10,000 contact tracer

Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na noong Huwebes nakapag-hire na sila ng 10,136 na contact tracer (CT) mula sa higt na 55,000 aplikante para sa posisyon.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, pagkapirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 Law, nagsimula na nilang iproseso ang applikasyon para sa 50,000 CT. Higit sa 47,000 aplikasyon na ang naproseso ng mga DILG field offices sa buong bansa.

“Pinabibilis ang pag-hire sa mga CT dahil mahalaga ang pagiging maagap sa laban sa COVID-19. Ngayon, sampung libo na ang ating na-hire at layon naming maabot ang aming target na umupa ng 50,000 CT sa ilalim ng Bayanihan 2 Law bago matapos ang buwang ito,” ani Año.

“Hindi tumitigil ang mga tanggapan ng DILG sa mga highly urbanized cities at probinsya sa pag-proseso at pagtanggap ng mga aplikante,” dagdag pa niya.

Ipinaalam ni Año na maraming aplikante sa buong bansa ang interesado at higit pa sa 55,000 ang nagpasa ng mga requirements. Mga 47,000 sa mga ito ang pinoproseso ng DILG “at maraming aplikasyon pa ang aming inaaasahang darating sa mga susunod na araw.”

Ayon sa DILG, hindi sila magtatakda ng deadline para sa pagtanggap ng 50,000 CT sa buong bansa at sa halip ay nagpapatuloy sa pagtanggap upang mapuno ang mga natitirang slot.

“Ang mahalaga sa amin ay mapuno ang mga slot at mag-recruit ng pinakamaraming CT na pinapayagan ng Bayanihan 2 Law. Ang mga umabot sa nakaraang deadline ay pinoproseso na, subali’t patuloy kaming tatanggap ng mga aplikante hanggang maabot namin ang aming mga target,” ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya.

Samantala, ibinalita ni Malaya na ang unang batch ng 10,000 CT na tanggap na ay nagsisimula nang sumailalim sa training bago sila ipadala sa mga pamayanan kung saan sila idedestino. “Hindi naman po natin sila isasabak nang basta-basta ng walang training,” aniya.

Ayon kay Malaya, ang hinahanap ng DILG na mga CT ay 21-45 taong gulang na may Bachelor’s degree o college level sa isang medical course or criminology course. Kung walang kumuha ng ganoong mga kurso, kahit anong kurso ay pupuwede. Dapat ipasa ng mga aplikante ang kanilang diploma o transcript of records (TOR) bilang patunay ng kanilang natapos.

“Ang hinahanap namin ay iyong pinakatugma at kuwalipikadong mga indibiduwal para sa trabaho sapagkat mapanghamon ang kanilang magiging trabaho sa susunod na tatlong buwan. Ang kanilang gagawin sa kanilang destino ay mahalaga sa ating laban sa COVID-19,” aniya.

Nilinaw ni Malaya na kung walang TOR o diploma, pupuwede ang certification mula sa pamantasan kung saan sila nag-aral. Habang hinahanda ang NBI clearance, tatanggapin muna ang police clearance sa ngayon.

Ang mga aplikante ay dapat may alam sa data gathering at tumulong na sa research at documentation; marunong makipagpanayam sa mga pasyente ng COVID-19 at mga nakasalamuha ng mga ito upang mangalap ng datos; may abilidad sa pamamahagi ng mga public health education messages; at may investigative capability.

Kailangang magpasa ang mga aplikante ng letter of intent, personal data sheet, NBI clearance, resulta ng drug test, at iba pang papeles sa mga provincial at city field offices ng DILG sa buong bansa o bisitahin ang kanilang mga website upang malaman ang mga bakanteng posisyon.

Ang mga CT na contract of service ay susuwelduhan ng P18,784, ayon sa mga patakarang inihanda ng DILG.

Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/DILG-nag-hire-na-ng-unang-batch-ng-10000-contact-tracer/NC-2020-1340

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System