91% approval rating ni Duterte nagpapatunay na mas "discerning at informed" na ang mga Pilipino

Ang 91% na approval rating ng Pangulong Rodrigo Duterte sa huling Pulse Asia survey ay nagsasalamin ng tiwala ng mga tao sa kanyang kakayahan na tahakin ang tamang landas para sa bansa habang ang mga Pilipino ay mas maingat na sa COVID-19 habang binubuksan na at pinalalakas ang ekonomiya.

Ayon kay Secretary Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang pag-angat sa trust rating ay nagpapakita na ang mga tao ay mas discerning at informed at nalalagpasan ang mga fake news at disinformation mula sa mga kritiko ng pamahalaan na laging humahanap ng pagkakataong siraan ang mga gawain ng gobierno.

“Ibig sabihin nito na 9 sa bawat 10 Pilipino ay natutuwa sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19, kabilang na ang pag-angat ng COVID-testing capacity na pinakamataas sa Timog Silangang Asya—ang mga mega quarantine facilities, ang nag-iisang Social Amelioration Program para sa 21 milyon, ang pagbaba ng kaso ng COVID sa Metro Manila at ibang parte ng bansa, ang mataas na recovery rate ng mga pasyente, at iba pa,” ani Año na Vice Chair ng NTF COVID-19.

“Walang anumang black propaganda ang makabubura sa mga response and mitigation program na nag-flatten sa curve at umabot sa halos lahat ng tahanan sa bansa. Naramdaman ng mga tao ang lahat ng ginagawa ng pamahalaan, kabilang na ang pagpapauwi sa pinakamaraming OFW sa tulong ng OWWA at DFA at ang matagumpay na programa para sa mga locally stranded individuals sa ilalim ng Hatid Tulong program,” aniya.

Ang Ulat sa Bayan survey ng Pulse Asia na inilabas noong Lunes ay isinagawa noong Setyembre 14-20, at nagpanayam ng 1,200 Pilipino mula 18 taong gulang pataas. Ipinakita nitong umakyat ang approval rating ni Duterte nang walong puntos mula 87% noong Disyembre 2019. Limang porsyento naman ang hindi nasiyahan sa kanyang mga ginawa at limang posyento ay undecided.

Ayon kay Año, ang patuloy na pagtaas ng rating ng Pangulo ay pinabulaanan ang mga nagsasabi na ang pandemya ang litmus test ng kawalan ng leadership, planning at coordination ng kanyang administrasyon sa kanyang Gabinete sa pagharap sa pandemya.

“Sa halip, ito ang naging rallying point sa mga tao na kumilos at sundin ang mga health protocol ng pamahalaan upang mapigil ang pagkalat ng virus at mabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal na maghanap ng makabagong paraan para masukol ang pandemya sa pamamagitan ng National Action Plan against COVID-19,” ayon sa kalihim.

“Ngayong nagsalita na ang bayan, nanawagan ako sa mga kritiko ng gobyerno na maghunos-dili at makinig sa taongbayan,” dagdag ni Año.

“Ang inyong pansamantalang pananahimik at pakikipagtulungan sa pamahalaan habang may pandemya ay makakatulong sa paglutas sa problema. Hindi ito panahon ng pamumulitika kundi pakikipagtulungan. Darating ang panahon ng pamumulitika habang nalalapit ang halalan, pero huwag po ngayong may pandemya,” pagdidiin niya.

Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/91-approval-rating-ni-Duterte-nagpapatunay-na-mas-discerning-at-informed-na-ang-mga-Pilipino/NC-2020-1346

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System