DILG sa mga LGUs: Ipatupad ang health safety protocols habang nagro-road clearing simula ngayon

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGU) na ipatupad ang mga minimum health standards sa pagsisimula ng 60 araw na road clearing sa buong bansa ngayon.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, matapos ang walong buwang suspensiyon, tuloy na muli ang road clearing operation sa buong bansa maliban na lamang sa mga lugar na nasasailalim sa MECQ o higit pa at sa mga lugar na baha pa rin dahil sa mga nakalipas na bagyo.

“Kinakailangan ang road clearing upang mapanatili ang kaayusan habang bumabangon ang mga lokal na ekonomiya nang hindi nagiging kampante laban sa COVID-19. Sa paghahanda natin sa ‘new normal,’ kailangang maging ligtas, maluwag at walang mga nakaharang sa ating mga daan,” ani Año.

“Bagaman patuloy ang serbisyo publiko at mga inisyatibo para manumbalik ang sigla ng ekonomiya, buhay at kalusugan pa rin ang pinakamahalaga. Panatilihin ang disiplina sa pagsusuot ng face mask at face shield, i-sanitize ang mga kamay at dumistansya ng isang metro sa bawat isa,” aniya.

Inatasan ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-145, ang mga lugar na nasasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) na ipatupad ang bawa’t hakbang ng road clearing operations.

Ayon sa kalihim, kailangan sa lubos na pagpapatupad ng road clearing ang pagtanggal ng mga nakaharang sa mga bangketa, pagsasagawa ng road inventories, pag-aalis ng mga balakid sa mga daan habang isinasaalang-alang ang mga karapatan ng mga may-ari, pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga displacement plan, pagkukumpuni at maintenance ng mga nilinis na mga kalsada at pagbubuo ng grievance mechanism.

Ang mga LGU na nasasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ay dapat namang magpatupad ng partial road clearing. Aalisin nila ang mga hadlang sa mga daan at bangketa na maaaring mapanganib sa mga motorista at mga dumadaang tao. Kabilang dito ang mga sasakyan na naka-illegal parking, mga illegal na istruktura, mga perwisyo at anumang nakatayo sa mga daan at bangketa na humahadlang sa mga dumadaan sa mga daan at bangketa. Kasama rin dito ang road clearing para makapagtatakda ng mga bike lane.

Samantala, suspendido ang road clearing operations sa mga lugar na nasasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at Enhanced Community Quarantine (ECQ). Hindi kailangang magsagawa ng road clearing sa mga village, subdivision, mga barrio o sa mga kalsada, kalye o eskinitang nasasailalim din sa localized ECQ o MECQ.

Mga hindi kabilang sa road clearing

Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na habang hindi pa tapos ang pandemya, maaaring di mabilang sa mga ipatatanggal ang mga sasakyan at istrukturang ginagamit sa paglaban sa COVID-19.

“Iyong mga parked ambulances at public emergency vehicles at saka checkpoints ng LGUs, Inter-Agency Task Force (IATF), pulisya o militar pati na rin ang pansamantalang istruktura para sa bicycle lanes ay exempted po sa road clearing operations,” ani Malaya

Sa kabilang banda, ang mga istrukturang itinayo ng mga locally stranded individuals (LSIs) ay aalisin sa oras na makarating na sila sa kanilang destinasyon.

Nilinaw din ni Malaya na ang mga pagsasara ng mga daan nang walang ordinansa o pag-apruba ng mga otoridad ay sisirain at aalisin upang mapanatili ang maluwag na daanan. Maaaring magsara ng mga daan ang mga barangay kung aprubado ng mga otoridad.

Ang huling araw sa pagpasa ng mga barangay ng mga report sa kanilang road clearing operation sa buwang ito ay sa December 15.

Ang validation ng pagpapatupad ng mga lalawigan, lungsod at munisipyo sa road clearing operations ay isasagawa sa Enero 18-22, 2021.

Kabilang sa mga iba-validate ng mga DILG Validation Team ay ang mga planong ruta ng mga tricycle sa kanilang lugar upang matiyak na mabibigyan ng mga alternatibong ruta ang mga tricycle na binabawalang bumiyahe sa mga national highway sa buong bansa.

Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/DILG-sa-mga-LGUs-Ipatupad-ang-health-safety-protocols-habang-nagro-road-clearing-simula-ngayon/NC-2020-1386

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System