Bagong DILG undersecretary opisyal nang itinalaga

Opisyal nang itinalaga noong nakaraang Biyernes bilang bagong Undersecretary for Local Government ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Marivel C. Sacendoncillo na dating Assistant Secretary ng DILG at Executive Director ng Local Government Academy (LGA).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, nagagalak ang Kagarawan sa pagkakatalaga kay Sacendoncillo at inaasam na maging katuwang nito sa pag-aangat sa mga pamahalaang lokal tungo sa mataas na antas ng paglilingkod.

"Tunay na nagagalak ang DILG sa pagkakatalaga kay Sacendoncillo bilang bagong Undersecretary for Local Government sapagkat siya ang pinakakwalipikado sa napakahalagang posisyon dahil sa kanyang mahusay at malawak na karera," ani Año.

Ipinahayag ni Año na bilang isang opisyal na nakatuon ang tungkulin sa pagbuo ng mahahalagang polisiya at programa para sa pagpapabuti ng lokal na pamamahala at ng mga lokal na pamahalaan, ang karanasan ni Sacendoncillo bilang executive director ng LGA -- posisyong kanyang hinawakan sa loob ng mahigit sa dalawang dekada -- ay magiging kapaki-pakinabang.

"Hindi maitatanggi ang maraming taong karanasan ni Sacendoncillo at ang kanyang malalim na kaalaman sa lokal na pamamahala. Doon siya naging pinakamahusay at doon niya sinimulan ang kanyang karera kaya naman siya ang karapat-dapat na humalili sa napakahalagang posisyon na naiwang bakante sa Kagawaran," paliwanag niya.

Si Sacendoncillo ang humalili kay dating USec. Austere Panadero na matagal nanilbihan sa nasabing katungkulan at nagretiro kamakailan.

Complete package

Ayon sa Tagapagsalita at DILG Assistant Secretary Jonathan E. Malaya, hindi na nakakagulat ang pagkakapuwesto kay Sacendoncillo sapagkat ito ay "complete package" na nagsimula bilang isang rank and file na kawani hanggang sa maging isang pinuno ng Kagarawan.

"Ang kanyang pag-angat sa isa sa pinakamataas ng posisyon sa Kagawaran ay patunay lamang na siya ay masipag at may dedikasyon sa pagpapabuti ng Kagawaran at mga stakeholder nito. Kami ay umaasa sa magagandang bagay na maaaring magawa ng DILG kasama siya," aniya.

Samantala, ayon kay DILG Bureau of Local Government Development Director Anna Liza F. Bonagua, ang pagkakatalaga kay Sacendoncillo ay isang "welcome development" para sa Kagawaran sapagkat nasa kanya ang lahat ng mga kinakailangan para sa posisyon.

"Nasa kanya ang karanasan. Mayroon siyang malawak na karanasan kung paano makisalamuha at makatrabaho ang mga pamahalaang lokal at alam niya ang mga pangyayari sa baba. Kaya naman siya ang nararapat para sa posisyon na Undersecretary for Local Government," ani Bonagua.

Nagpahayag din ng pagsang-ayon at pagbati ang DILG Employee's Union sa pamamagitan ng kanilang pangulo na si Keith Lagmay na nagsabing si Sacendoncillo ay isang mahusay na pinuno.

Ang dati namang katrabaho ni Sacendoncillo sa LGA na si Leah Marie Sanchez ay nagpahayag na ito ay isang "visionary leader" na ibinabahagi sa kanyang mga kapwa kawani ang kanyang pangarap para sa bansa at kung paanong ang bawat isa, ano man ang posisyon, ay maaaring mag-ambag tungo sa katuparan nito.

Inspirasyon ng sipag at husay

Ayon kay Año, ang karera ni Sacendoncillo ay inspirasyon sa mga kawani ng DILG sapagkat matiyaga niyang tinupad ang kanyang tungkulin hanggang siya ay makaakyat sa mataas na posisyon sa Kagawaran.

Sinimulan ni Sacendoncillo ang kanyang karera sa DILG bilang Senior Human Resource Development Officer sa LGA noong 1989. Nagsilbi din siya bilang Local Government Operations Officer at Development Management Officer.

Siya ay iniluklok bilang Director ng LGA kung saan siya nagsilbi ng higit sa dalawang dekada. Nagsilbi din siya bilang concurrent Regional Director (RD) of DILG Region 8 ng dalawang taon hanggang siya ay maitalaga bilang Assistant Secretary for Local Government noong Agosto 2018.

"Isa siyang mabuting halimbawa para sa mga kawani ng pamahalaan na basta maging Matino, Mahusay at Maaasahan ka sa iyong gampanin ay tiyak na makakamit mo ang tagumpay sa iyong propesyon," ani Año.

Si Sacendoncillo ay may Master’s degree sa Development Management mula sa Asian Institute of Management. Nakatanggap din siya ng scholarship para makapag-aral ng Conflict Management and Post Conflict Recovery sa University of York, United Kingdom sa pamamagitan ng Chevening Senior Fellowship Programme of the British Council.

 

Original Article at: http://dilg.gov.ph/news/Bagong-DILG-undersecretary-opisyal-nang-itinalaga/NC-2019-1017

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System