3,000 local execs dumalo. Kauna-unahang Local Governance Summit ikinasa ng DILG
August 22, 2024
Aabot sa 3,000 mga local executives ang dumalo sa isinasagawang Local Governance (LG) Summit 2024 sa Philippine International Convention Center, na naglalayong paigtingin ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga local at national government officials.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, ang summit na inorganisa ng DILG katuwang ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), ay naglalayong mas lalo pang mapahusay at mapalakas ang kalidad ng serbisyo na ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan sa mga mamamayan.
Ang pagtitipon ay inaasahang dadaluhan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang panauhing pandangal.
Sa temang “LGUs sa Bagong Pilipinas: Smart. Resilient. Driven.”, itatampok sa aktibidad sa tulong ng mga national government agencies, ang mga session sa digital transformation; smart urban infrastructure; at design; climate at disaster resiliency.
Tatalakayin din ang social protection; peace and order; transparency and accountability; at people’s participation.
Itinatampok din ang ang best practices sa teknolohiya at inobasyon; at sisikapin ng mga delegado na mabuo ang pagtutulungan at network ng mga pamahalaang lokal para sa pagpapalitan ng kaalaman.
Sinabi rin ni Abalos na ang aktibidad ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. na paigtingin ang pagtutulungan sa pagitan ng lokal at nasyunal na pamahalaan.
Idinagdag pa niya na hangad din ng summit na palakasin ang administrasyon sa mga pamahalaang lokal, mas epektibong paglilingkod-bayan at mapabilis ang implementasyon ng Sustainable Development Goals (SDGs).
“Ang LG Summit 2024 ang katuparan ng pangako ng DILG at ULAP na itaas ang antas ng lokal na pamamahala at mapadali ang pagpapalitan ng best practices at innovative solutions sa pagitan ng ating mga pamahalaang lokal,” ani Abalos.
Ipinaliwanag din niya na ang summit ay hindi lamang isang capacity-building activity dahil isa rin itong paraan upang matipon ang magkakaibang perspektibo at pananaw mula sa iba’t ibang stakeholders, na susi upang makilala at malunasan ang mga puwang sa lokal na pamamahala at pagbibigay serbisyo.
Ang LG Summit 2024 ay nabuo sa pakikipagtulungan ng United Nations Resident Coordinator’s Office, World Bank, Deutsche Gesellschaft fur Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH, United Nations Development Programme, United States Agency for International Development, United Nations Children’s Fund, at United Nations Human Settlements Programme.
Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/3000-local-execs-dumalo-Kauna-unahang-Local-Governance-Summit-ikinasa-ng-DILG/NC-2024-1116