April 5, 2023
Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang mga local government unit (LGUs) na suportahan ang Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Program na naglalayong pataasin ang kalidad at maghatid ng health services at preventive health care sa mas nakararaming Pilipino.
“Ang serbisyong pangkalusugan ay isa sa top priorities ng ating pamahalaan and we look at our LGUs to ensure that health services are well implemented in the grassroots. Malayo na ang ating narating at nalagpasan. Now, the benchmark objective is to ensure that these services and facilities are made affordable and accessible for everyone at malaking tulong dito ang Konsulta Program,” pahayag ng Kalihim.
Ang Konsulta Program ay isang primary care benefit package na nagkakaloob ng konsultasyon, health screening at assessment, laboratory tests, gayundin ang gamot at medikasyon na pinangungunahan ng Office of the President sa pamamagitan ni First Lady Marie Louise “Liza” A. Marcos.
Ayon kay Abalos, maaaring maging authorized na provider ng Konsulta Program ang mga health units at pasilidad na pinatatakbo ng LGUs kaya ito ay isang magandang pagkakataon na maiparating ang serbisyo ng nasabing programa sa kanilang mga nasasaskupan. “We hope that the LGUs will take advantage of the health services provisions of the Konsulta Program for their kababayans.”
Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular 2023-049 na inilabas ng Kagawaran, hinimok ni Abalos ang mga LGU na palawigin ang sakop ng programa sa pamamagitan ng pag-aalok ng Konsulta packages sa kanilang mga nasasakupan na miyembro na ng PhilHealth.
Dagdag ni Abalos, “Kumpleto na po ang mga packages na ito, at ang kagandahan dito ay ang focus sa early detection ng mga sakit. Each package covers routine consultations, health risks screenings, laboratory tests and assessments, and access to common maintenance drugs and medicines.”
Inaatasan din niya ang mga local health experts at practitioners na siyasatin ang mga local health facilities na kasalukuyang ginagamit upang makita at malaman kung pasado ba ang mga ito sa mga pamantayan ng PhilHealth at ng Department of Health (DOH).
Maaari din, ani Abalos, na magsagawa ng Information, Education, and Communication (IEC) campaigns ang pamahalaang lokal na naglalayong ipaalam sa publiko ang mga benepisyo na kanilang matatanggap mula sa programang ito ng pambansang gobyerno.
Kinilala din ni Abalos ang pamumuno ng Office of the President (OP) at ng First Lady at ang kanilang patuloy na suporta sa paggabay sa programa at implementasyon nito.
“Ang Konsulta program ay patunay lamang na ang kapakanan at kagalingan ng mga mamamayang Pilipino, lalo na ng mahihirap, ay laging nasa puso at isipin ng ating Pangulo pati na rin ng ating First Lady,” aniya.
Target ng PhilHealth na umabot sa 4 na milyong miyembro ang magparehistro sa pangalawang taon ng Konsulta program, kasabay ng pagpapatayo ng mas marami pang accredited health facilities sa bawat rehiyon.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-hinikayat-ang-LGUs-na-suportahan-ang-Konsulta-Program/NC-2023-1053