Abalos hinirang na top cabinet official, DILG pinaka-pinagkakatiwalaang ahensiya
September 19, 2024
Kinilala ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang tiwala at buong suporta na ibinibigay sa kanya ng lahat ng mga opisyal at empleyado ng DILG, partikular ng mga field officers, na naging daan para mahirang siya na nangungunang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Marcos, at sa DILG bilang pinaka-pinagkakatiwalaang ahensiya ng pamahalaan.
“Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong lahat. Thank you for giving your heart to DILG.”
Ito ang madamdaming pahayag ni Abalos sa ginawang DILG Field Officers National Convention-Luzon Cluster nitong Miyerkules sa Clark, Pampanga.
Ayon pa sa Kalihim, nasungkit ng DILG ang unqualified opinion, ang pinakamataas na grado ng Commission on Audit (COA), sa dalawang magkasunod na taon ng kanyang pamumuno, dahil sa kanilang mahusay na pagganap sa kanilang mga tungkulin.
Binati rin niya ang Bureau of Fire Protection sa pagkahirang dito bilang 2024 Best Employer na may markang 9.22/10 sa isang survey na isinagawa ng Philippine Daily Inquirer at Statista, isang business intelligence portal na nakabase sa Germany.
Dahil sa kanyang pagpupursigi, nagtalaga din ang COA ng special fund ng National Commission on Muslim Filipinos na naging susi sa matagumpay na Hajj pilgrimage ng mga Pilipinong Muslim sa Mecca.
Binanggit din ni Abalos ang pagkaresolba sa maraming taon na problema ng kawalan ng kuryente sa 29 na probinsiya ng bansa , dahil sa pakikipagtulungan ng DILG sa National Grid Corporation of the Philippines.
Isa rin sa landmark na tagumpay ng DILG at ng Philippine National Police ang pag-recruit ng mga dating rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front para sumapi sa hanay ng mga kapulisan sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa usapin naman ng iligal na droga, ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan ay nagresulta sa 700% na pagtaas ng halaga ng mga nakumpiskang bawal na gamot ng administrasyong Marcos kumpara sa dating administrasyon.
Ang ilan sa malalaking kaso na naresolba sa ilalim ng pamumuno ni Abalos sa DILG ay ang pagpaslang kay Negros Occidental Governor Roel Degamo at mga tauhan nito, at ang pagpatay sa reporter na si Percy Lapid.
Sa ilaliim ng kanyang panunungkulan ay naaaresto rin si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at nasakote ang puganteng si dating Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.
Matandaan na inobliga rin niya ang mga mataas na opisyal ng PNP na maghain ng courtesy resignation matapos masangkot ang ilan sa kanila sa usapin ng nakumpiskang halos isang bilyong halaga ng iligal na droga.
Original Article at:https://www.dilg.gov.ph/news/Abalos-hinirang-na-top-cabinet-official-DILG-pinaka-pinagkakatiwalaang-ahensiya/NC-2024-1121