April 3, 2023

Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. ang Philippine National Police (PNP) na ipagpatuloy ang tagumpay sa paglaban sa kriminalidad matapos magtala ng 16 percent na pagbaba ng index crimes sa bansa sa unang tatlong buwan ng taon kumpara sa nakaraang taon.

“I commend the whole PNP force under the able leadership of PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. for persistently working to fight crimes and their perpetrators in fulfillment of their sworn duty to protect the people and the country. The challenge now is to be steady and consistent against index crimes,” ani Abalos.

“Hindi po matatawaran ang inyong dedikasyon sa pagganap ng inyong tungkulin para pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan. And now, we are reaping the fruits of your labor. Sana po ay magtuloy-tuloy ito,” dagdag niya.

Ilan sa mga kabilang sa index crimes ayon sa PNP ang pagpatay o murder, homicide, physical injury, panggagahasa, pagnanakaw, kasama din ang pagnanakaw ng motorsiklo at mga sasakyan.

Ayon kay Abalos, 7,865 index crimes ang naiulat mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2023 na mas mababa kumpara sa naitala sa kaparehas na mga buwan noong 2022 na 9,375 na mga insidente ng krimen.

Batay sa pinakahuling datos ng PNP, aniya, bumaba ng 41.46 percent ang kaso ng carnapping (motor vehicle) mula 82 hanggang 48; 32.94 percent mula 1,339 sa 898 na kaso ng physical injury; panggagahasa ng 29.33 percent mula 2,254 sa 1,593; at carnapping (motorcycle) ng 10.20 percent mula 441 ay naging 396. Bumaba din ang kaso ng theft sa 2,647; robbery sa 1,080; murder sa 920; at homicide sa 229.

“Ito ay patunay na hindi tumitigil ang ating kapulisan sa pagtupad ng kanilang mga sinumpaang tungkulin na labanan ang anumang karahasan sa ating bansa. This is a testament of the PNP’s commitment to the people,” dagdag niya.

Kabilang aniya sa mga dahilan nang pagbaba ng index crimes ang pagpapaigting ng police visibility sa bansa lalo na sa mga lugar na madalas pangyarihan ng krimen at kampanya laban sa loose firearms kung saan 1,993 na ang nadakip habang 6,726 na armas na ang nasabat.

Ibinahagi din ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Redrico Maranan na patuloy ang pagbaba ng mga krimen sa bansa hindi lamang dahil sa kapulisan ngunit dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa ilalim ng “revitalized” na programa ng PNP na KASIMBAYANAN o “Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan” na pagkakaisa ng publiko at ng mga sektor upang mapatupad at mas mapaigting ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Dagdag pa ni Maranan, gumagamit ng iba’t ibang istratehiya ang kapulisan upang tugunan at labanan ang index crimes sa bansa.

Bukod sa pagbaba ng kaso ng index crimes, mas pinapaigting din ng kapulisan ang panghuhuli sa wanted persons at ang kampanya laban sa iligal na droga at firearms.

Ayon sa ulat ng PNP, mula Enero 1 hanggang Marso 24 ngayong taon, 17,418 ang nahuli mula sa “intensified pursuit” ng kapulisan sa wanted persons. Nakasamsam din ng P1.36-bilyon ng iligal na droga at nakapagsampa ng 14,481 na kaso sa mga naarestong drug offenders habang 1,993 katao naman ang naaresto at 6,726 firearms ang nasabat sa parehong panahon.

“Nagpapasalamat ako sa PNP sa pangangalaga ng kaligtasan ng bawat mamamayan. Patuloy tayong magsusumikap upang mabawasan ang kahit anong krimen at tuldukan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa,” ani Abalos.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/ABALOS-INDEX-CRIME-AYON-SA-PNP-BUMABA-NG-16-HINIKAYAT-ANG-PNP-NA-ITULOY-ANG-LABAN-SA-KRIMINALIDAD/NC-2023-1047