April 4, 2023
Muling namayagpag ang husay at dedikasyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur C. Abalos. Jr. sa larangan ng paglilingkod sa mamamayan sa pagkilala sa kanya bilang “Nation Builder” ng isang tanyag na magazine kamakailan lamang sa Manila Hotel.
Ang pagkilala ay iginawad ng Rising Tigers Magazine sa okasyon ng kanilang anniversary issue na may temang “Beyond Leadership.” Itinampok sa nasabing isyu ng magazine ang ilan sa mga “emerging leaders, nation-builders at captains from different industries.”
Ang mga ginawaran ng parangal ay mga taong may nagawang pagbabago sa kasalukuyang salinlahi at nagkaroon ng mabuting kontribusyon hindi lamang dahil sa tagumpay ng kanilang mga kompanya kundi dahil pinilit nilang maabot ang mga mahihirap at marginalized na kababayan.
Ayon naman sa isang panayam sa bumubuo ng magazine, hinangaan na nila ang kalihim dahil sa mga proyekto nito kahit noong hindi pa siya DILG secretary. “As the DILG top honcho, he is super visible with outstanding performance not just for one activity but to all.”
Ang mga lider ay nakalathalang cover story sa print at digital edition ng Rising Tigers Magazine anniversary issue upang magbigay ng imspirasyon at mabuting halimbawa sa mga mambabasa nito.
Bukod kay Abalos, tatlo pang opisyal ng pamahalaan ang nakatanggap ng Nation Builder award—sina Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual, House Deputy Speaker Vincent Franco Frasco ng Cebu, at si Commission on Elections Chairman George Erwin Mojica Garcia. Sina PBA Partylist Congresswoman Margarita Nograles at Budget Sec. Amenah Pangandaman naman ay kabilang sa mga Women of Substance awardees.
Ang mga negosyante namang kinilalang Rising Tigers ay sina Walther Buenavista, founder at CEO ng Shawarma Shack; David Ackerman, founder at CEO ng StratDev; Tristan Cabrera, Esports Pro Player; Atty. Arnel Mateo, founder at CEO ng ADM & Partners Data Privacy and Consulting Inc.; Yu Ming Chin, founder at CEO ng Viventis Asia; Nino Rovillos, founder at CEO ng Illos Party Trays; Ramon Garcia Jr, chairman ng DFNN; at Michael Pacquiao, isang musikero.
Samantala, lima pang kababaihan ang ginawaran ng Women of Substance Award. Sila ay sina Blanca Mercado, President at CEO ng The Manila Times; Michele Boccoz, embahador ng Pransiya; Răduţa Dana Matache, embahador ng Romania; Jessica Bellen, founder at CEO ng Jessy & Co; at Mutya Ng Pilipinas 2022 Iona Gibbs.
Ang palatuntunan ay itinanghal katuwang ng Makati Tourism Foundation at iba’t ibang embahada sa bansa. Ilan pa sa mga katuwang sa pagtatanghal ay ang Philippine Korean Chamber, ang embahada ng Romania at Pransiya, Kiwanis Club ng Makati at Los Baños Chamber of Commerce and Industry.
Ang Rising Tigers Magazine ay isang business and lifestyle magazine na pinakamabiling babasahing mabibili sa National Bookstore. Sila ay kumikilala sa mga emerging leaders sa pamahalaan at mga captains from different industries.
“Buong galak at pasasalamat ko pong tinatanggap ang karangalang ito,” anang kalihim. “Iniaalay ko ang pagkilalang ito sa lahat ng mga kasamahan ko sa DILG na nagtutulong-tulong para iangat ang antas ng pamamahala sa mga pamahalaang lokal,” dagdag pa niya.
Kamakailan lamang ay nakakuha ng 85% performance rating at 90% trust rating si Abalos sa Boses ng Bayan survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. Nanguna si Abalos sa hanay ng mga Cabinet secretaries ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-kinilala-bilang-Nation-Builder-ng-Rising-Tigers-Magazine/NC-2023-10510