March 23, 2023
Kinumpirma ngayong hapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. ang pagsuko sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng lima pang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023.
“The Special Task Force Degamo would like to announce that five (5) more suspects, who have a direct participation in this incident, have surrendered to the Armed Forces of the Philippines (AFP),” ani Abalos sa isang press conference na ginanap sa Office of Civil Defense sa loob ng Camp Aguinaldo.
Sa pagsuko ng limang suspek, sinabi ni Abalos, na siya ring nagsisilbing chairperson ng Degamo Special Task Force, na may kabuuang sampung (10) suspek na ang nasa kustodiya ng mga autoridad.
“These suspects have relevant testimonies that will help the Task Force build a strong case against the perpetrators, as well as the intermediaries and mastermind,” aniya.
“The National Task Group Investigation and Legal under the Special Task Force Degamo is now in the process of completing the documentation of the initial statements taken by investigators from the suspects presently under custody,” dagdag pa niya.
Matatandaan na ilang oras pagkatapos ng pagpaslang kay Degamo, tatlong (3) suspek ang nadakip ng PNP at AFP sa isinagawang hot pursuit operations sa Bayawan City, Negros Oriental. Pagkatapos nito ay isa pang suspek ang nakorner at nakipagputukan sa mga autoridad na nagresulta ng kanyang pagkamatay. Isa pang suspek ang sumunod na nasakote sa kanilang patuloy na operasyon.
Ani Abalos, patuloy ang case build-up at imbestigasyon sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) upang kuhanin ang kumpletong detalye ng pagpatay kay Degamo ngayong 10 suspek na ang nasa kustodiya ng pamahalaan. “They are still undergoing tactical investigation under NBI.”
Ibinunyag din ni Abalos na ang 10 suspek na hawak na ng Task Force, siyam (9) ang dating miyembro ng militar at may direktang partisipasyon sa pagpatay, habang ang isa (1) naman ay isang ex-military trainee.
“From this, makikita mo ang training ng mga taong ito. That’s quite interesting. Direct, talagang direct na andoon. Ang sinasabi naming direct participation, it means within the crime scene itself,” dagdag ng Kalihim.
Hinikayat naman ni Abalos ang mga natitira pang suspek na hindi pa sumusuko na lumantad na sapagkat patuloy ang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang sila ay madakip. “Para sa mga natitira pang suspect, paulit-ulit naming sinasabi — sumuko na po kayo. Marami na po ang mga sumuko, mag-isip isip na rin po kayo,” aniya.
“Sisiguraduhin namin ang inyong kaligtasan, pati na ng inyong pamilya. Asahan n’yo rin na rerespetuhin ng gobyerno ang inyong mga karapatan at bibigyan kayo ng patas na paglilitis na naaayon sa ating batas,” dagdag pa niya.
Dagdag ni Abalos, kasalukuyan pa ring isinasagawa ng joint police-military tracker teams gamit ang mga impormasyong nakalap ng Philippine National Police (PNP) at AFP kasama ang mga datos na nakuha mula sa mga nadakip na suspek upang matunton ang mga natitira pang at-large.
Sa kasalukuyan, aabot sa lima o anim pang suspek ang pinaghahanap ng special task force.
Samantala, pinasalamatan ng Kalihim ng DILG ang AFP na pinamumunuan ni AFP Chief of Staff General Andres Centino, ang NBI sa pamumuno ni Atty. Medardo De Lemos, ang PNP sa ilalim ni PGEN Rodolfo Azurin Jr. at ang iba pang ahensya ng gobyerno na kanilang malaking bahagi sa pagsakote at pag-imbestiga sa mga suspek at sa tulong nila sa STF Degamo.
“Indeed, our collaboration in the past few weeks has paved the way to the surrender of the individuals responsible in the murder of Gov Degamo and others,” diin pa niya.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-Lima-pang-suspek-sa-pagpatay-kay-Degamo-sumuko-na/NC-2023-1041