March 29, 2023

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ngayong hapon na dalawang operasyon ang isinagawa ng Police Regional Office 7 nitong araw ng Linggo sa Bayawan City, Negros Oriental sa bisa ng search warrant laban sa mga hinihinalang kasabwat sa pagpatay sa gobernador.

Ayon kay Abalos, ang unang search warrant ay para sa isang nagngangalang Marvin Halaman Miranda, na sinasabing go-between o middleman sa pagitan ng mastermind at mga pumaslang; at ang pangalawa ay nakapangalan kay Nigel Electona, ang Chief security ng HDJ Tolong, na isa sa tatlong indibidwal na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng PNP-AFP sa Tolong Compound noong March 24, 2023.

Bukod sa mga baril at granada, natagpuan sa naturang search operations ang mga litrato ni Degamo at ng kanyang pamilya, litrato ng kanilang tinitirhan at gate ng Degamo compound, house routes at isang sketch plan ng gusali na pinaniniwalaang ginamit ng mga kasabwat sa pagplano ng pagpaslang.

“​In light of these recent developments, the Special Task Force Degamo is very confident that we are nearing the end of unmasking the masterminds behind the shocking and gruesome murder of Gov. Degamo and others,” pagsisiguro ng Kalihim sa press conference na isinagawa ngayong hapon.

Pinasalamatan rin ni Abalos ang PNP, na pinangungunahan ni PBGen. Rodolfo Azurin Jr., ang CIDG sa pamumuno ni PBGen. Romeo Caramat, ang 11th Infantry Battalion ng AFP, at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang walang sawang pagsisikap sa imbestigasyon upang maresolba ang kasuklam-suklam na pagpaslang kay Degamo at ilan sa kanyang mga nasasakupan.

Kumpyansa rin si Abalos at ang Task Force Degamo na, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta ng Negrense sa pagbibigay kaalaman sa mga awtoridad, malapit nang madala sa hustisya ang mastermind at iba pang mga kasabwat sa krimen.

“We would like to thank the people of Negros Oriental for the outpouring of support by providing information that led to the discovery of these loose firearms and othe instrument of violence,” aniya.

Hinikayat naman ni Abalos ang ‘demonyong’ mastermind sa pagpaslang kay Degamo at mga kasama nito na sumuko na sa mga autoridad “sapagkat lahat ng ebidensiya ay siya ang itinuturo.”

“Alam ko na alam mo kung sino ka. Sumuko ka na. Lahat ng mga ebidensyang ito, nakita naman natin sa mga nakaraang araw. Habang tumatagal, ang dami na. Alam mo kung sino ka. Sumuko ka na,” aniya.

“Sa ibang hindi pa sumusuko, iba ang utak ng tao na ‘to, baka kayo ang isunod nito. Iba ito, he is very, very devious and evil. Lahat ng kasamaan, nasa kanya na.” dagdag pa niya.

Samantala, pinresenta rin ni Abalos sa press conference ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril, ammunition at explosives na nakumpiska sa isang operation na isinagawa sa isang compound na pag-aari ni Pryde Henry Alipit Teves sa Sta. Catalina, Negros Oriental sa bisa ng isang Search Warrant na inisyu ng Regional Trial Court ng Mandaue City.

Ayon pa kay Abalos, nasabat din ng raiding team na binubuo ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group at Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa HDJ Bayawan Agri-Ventures Corporation, Tolong Compound ang dalawang (2) digital vault na may lamang mahigit sa P18-milyon sa isang nakaparadang sasakyan sa loob ng compound. Tatlong (3) lalaking manggagawa ng HDJ Tolong na nakitaan ng mga armas na walang kaakibat na lisensya ang naaresto rin sa naturang operasyon.

Sa patuloy na pagsasagawa ng search operation, hindi inaasahang nadiskubre din ang iba’t ibang ginamit na cartridges at slugs, RPG ammunition, Improvised Explosive Device and several components na hinukay pa gamit ang backhoe at iba pang equipment.

“Just by looking at these items: volume, quantity, caliber – we can surmise that these were used for nefarious activities,” ayon kay General Azurin.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/ABALOS-MASTERMIND-SA-DEGAMO-KILLING-MALAPIT-NANG-MAHUHULI-ILLEGAL-FIREARMS-AT-IBA-PANG-EBIDENSYA-NASABAT/NC-2023-1043