April 11, 2023
Nagpasalamat si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. sa 35 volunteer divers sa underwater search and rescue operation para sa nawawalang Ati chieftain na isinagawa sa katubigan sa pagitan ng Caticlan at Boracay.
“More than 30 Boracay dive shop operators with local and foreign divers participated in the search with just a short notice last night. Maraming, maraming salamat po sa mabilis ninyong pagtugon sa aming panawagan, sa inyong tulong at pagmamalasakit,” aniya.
Pinasalamatan din ni Abalos at ng mga residente ang Diveshop Operators na nagkaisa para dito, ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coastguard at National Disaster Risk Reduction and Management Office sa kanilang malaking bahagi da pagsasagawa ng search and rescue operation.
“Hindi lamang ang gobyerno ang kumilos kundi pati ang ibang sektor ng lipunan. Nakikita natin na ang mga Pilipino ay talagang handang tumulong at mapagmalasakit sa nangangailangan,” aniya.
Matatandaang lumubog ang sinasakyang motorized fishing boat nina Ernesto Coching, 64, at Ricky Valencia, 37, matapos makabanggaan ang isang hotel speed boat noong Miyerkules, Abril 5, 2023 malapit sa Cagban Jetty Port, Boracay Island.
Si Valencia ay agarang dinala sa ospital upang mabigyan ng karampatang lunas habang ang kasama niyang si Coching na napag-alamang lider ng Malaynon Ati Tribe Association ay nawawala pa rin.
Kasama ni Abalos na sumisid sa lalim na 15 to 25 meters at sa kabuuang lawak na higit 500 meters in radius kaninang 6:30 ng umaga ang diver-volunteers mula sa Scuba Diving Association, Municipal Disaster Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malay, Philippine Coast Guard, Philippine National Police (PNP) Maritime Group at iba pa.
Bagamat high tide at maalon ay hindi nag-atubilli si Abalos at mga volunteers na sisirin ang malalim na tubig sa pagnanais na matagpuan si Coching at maibalik sa kanyang pamilya tulad ng ipinangako niya dito.
“We were able to cover a radius of more than half a kilometer but we were not able to locate the fisherman. There is a strong current in the bottom,” saad ng Kalihim.
“Ginagawa namin ang lahat para matagpuan si Coching sa kagustuhan naming maging mapanatag na ang kalooban ng kanyang pamilya, kaanak at katribo. Patuloy kaming umaasa at susubok na matunton natin siya,” dagdag pa niya.
Kasabay ng underwater search and rescue ay nagsagawa rin ang Office of Civil Defense at Tactical Operations Group (TOG) ng Region Vi kasama ang Philippine Air Force, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Aklan, MDRRMO Malay, Maritime Police, Coast Guard District Western Visayas, at DILG Region Vi ng aerial search sa bandang Sibuyan Sea at Sulu Sea.
Bago pa nito ay binisita ni Abalos ang Malay Emergency Operations Center upang sigurihin ang mabilis na pagresponde af koordinasyon ng iba’t ibang ahensya.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/ABALOS-NAGPASALAMAT-SA-VOLUNTEER-DIVERS-SA-UNDERWATER-SEARCH-AND-RESCUE-PARA-SA-NAWAWALANG-ATI-CHIEFTAIN/NC-2023-1055