October 10, 2023
Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, kasama ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at pamahalaang lungsod ng Tagaytay, ang inagurasyon ng bagong P38-milyon Tagaytay Component City Police Station (CCPS) na isang patunay sa panata ng lokal na pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran ng lungsod.
Sinabi ni Abalos na hanga siya sa bagong estasyon ng pulis at kanyang pinuri si Tagaytay City Mayor Abraham N. Tolentino sa kanyang kahusayan sa pamumuno upang isulong ang pagpapaunlad ng pamahalaang lokal.
“Progress is always intertwined with peace and order. If there is no peace and order, it’s hard for a place to have progress. And eversince, Tagaytay has always found its place as one of the premier places of destination in the country. Hindi ka pupunta dito kung magulo dito,” aniya.
“It has always been well-managed. Dito napakaraming negosyo dahil lahat ng development, all aspects of leadership na-practice ninyo,” dagdag pa niya.
Ang pagtatayo ng bagong dalawang-palapag na Tagaytay CCPS na matatagpuan sa kahabaan ng Brgy. Mendez Crossing West na may 944-square meter area ay pinondohan mula sa congressional initiative allocation ni dating Congressman Tolentino at itinayo sa lupang pag-aari ng pamahalaang lokal ng Tagaytay sa pamamagitan ng deed of usufruct.
Sa maikling seremonya, hiniling ng DILG Secretary sa kapulisan ng Tagaytay City na pagtuunan ng pansin ang mga cybercrime na bumibiktima sa maraming Pilipino sa panahon ngayon ng digital age.
Hinikayat din niya ang aktibong partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular ang Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs), sa whole-of-nation anti-illegal drugs advocacy program na “Buhay Ingatan Droga’y Ayawan” (BIDA).
Ani ni PNP Acting Deputy Director for Logistics PBGen Neri Vincent D. Ignacio, na kumakatawan sa PNP Chief, “This impressive new building, symbolizes the physical embodiment of our commitment to serve and protect, and the spirit of unity and cooperation that defines the beloved city of Tagaytay.”
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-pinangunahan-ang-inagurasyon-ng-bagong-P38-M-Tagaytay-police-station/NC-2023-1183