May 24, 2023
Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang Bureau of Fire Protection (BFP) na gawing prayoridad ang pag-iimbestiga sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office.
Idineklarang fire out ang sunog sa makasaysayang gusali 6:33 ng umaga ngayong Martes–mahigit 30 oras matapos umakyat sa First Alarm ang sunog na nagsimula sa basement ng gusali bandang 11:41 ng gabi nitong Linggo.
“We must get to the bottom of this unfortunate incident at all costs and at the soonest possible time. That is why I am calling on the BFP to prioritize the investigation of the Manila Central Post Office fire and exhaust all means necessary to find out the cause of this incident that destroyed one of the country’s architectural heritage and national historical landmarks,” ani Abalos.
Ayon sa inisyal na ulat ng BFP, nagsimula ang apoy sa basement ng gusali kung saan nakaimbak ang ilang materyal na gawa sa papel at kahoy. Umabot ito sa mga sumunod na palapag at natupok ang iba’t ibang kagamitan sa loob ng gusali, kabilang ang mga parcel at ilang national identification card.
Tinatayang nasa P300 milyon ang naging pinsala ng sunog, ayon sa awtoridad.
Samantala, nagpasalamat at nagbigay-pugay din si Abalos sa mga BFP personnel at fire volunteers na rumesponde at tumulong upang maapula ang apoy.
Ayon sa pinakahuling ulat, 18 ang nasaktan sa sunog na kinabibilangan ng 17 tauhan ng BFP at fire volunteers.
“I commend the gallant men and women of the BFP, as well as our volunteer firefighters who have shown heroism and courage in the face of adversity. Hindi matatawaran ang inyong kabayanihan kaya naman sumasaludo ako at taos-pusong nagpapasalamat sa inyong lahat,” ani ng Kalihim.
Inatasan niya ang pamunuan ng BFP na siguruhing mabibigyan ng kaukulang tulong at assistance ang mga BFP personnel at fire volunteers na nasaktan sa naturang insidente.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-sa-BFP-Gawing-prayoridad-ang-imbestigasyon-sa-Manila-Central-Post-Office-fire/NC-2023-1085