April 18, 2023
Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang kaligtasan ng suspendidong Kinatawan ng Negros Oriental na si Arnolfo Teves, Jr. sa pagbabalik nito ng bansa para harapin ang mga akusasyon ukol sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong nakaraang buwan.
“Ako mismo ang magbabantay [kay Teves]. I assure you that 100%,” said Abalos. Ani Abalos, pangungunahan niya ang pagsisiguro sa kaligtasan ni Teves sa pakikiisa ng Philippine National Police (PNP) matapos siyang tanungin ni Senator Ronald Dela Rosa na siyang nangunguna sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Tinanong ni Dela Rosa ang DILG Chief kung handa itong kunin ang accountability sa pagtitiyak sa kaligtasan ni Teves sa pagbalik nito sa bansa para dumalo sa hearing ng Senado na sinagot naman ng Kalihim ng “Oo”.
Ito ay matapos hindi bigyan ng pahintulot ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na makadalo si Teves sa pamamagitan ng virtual hearing. Bilang pinuno ng Special Task Force Degamo, tiniyak din ni Abalos na malapit nang marating ng task force ang dulo ng imbestigasyon sa pagpaslang kay Degamo kasabay ang pangakong patuloy itong magsusumikap upang mahatid ang hustisya sa pamilya ng biktima.
“Papalapit na ngayon ang Task Force sa huling yugto ng pagsisiyasat nito. Pinagtitibay pa ang lahat ng mga ebidensya para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa natitirang mga suspek kabilang ang pinaghihinalaang mastermind,” aniya.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi nahuhuli, nakukulong, at nilitis nang buong lakas ng batas ang huling salarin. Ito ang tanging paraan upang maibalik ang normal sa buhay ng ordinaryong mamamayan at mapanatili ang kaayusan, seguridad at pangmatagalang kapayapaan sa Negros Oriental,” dagdag pa ng Kalihim.
Pinasalamatan din Abalos ang kapulisan kasama ang military at National Bureau of Investigation sa kanilang masigasig na pangunguna sa kaso simula nang magsimula pa lamang ito. “Nakita n’yo po kung gaano kabilis nahuli ang mga sangkot sa krimen na ito. Ako ay nagpapasalamat sa puwersa at pagkakaisa ng mga pulis ng PNP, Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation.”
Nagpahayag din ng pasasalamat si Abalos sa National Task Force on the Disbandment of Private Armed Groups (NTF-DPAGs) na nakabase sa Mindanao na siyang unang tinawagan ng Kalihim upang tumugon sa kaso ng pagpatay kay Degamo. Nauna na niyang ipinahayag ang planong palawakin ang NTF-DPAGs sa buong bansa upang mabilis na maaksyunan ang mga kasong katulad ng kay Degamo saan mang bahagi ng bansa.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-tiniyak-ang-kaligtasan-ni-Teves-sa-pagbabalik-nito-sa-bansa/NC-2023-1058