April 4, 2023

Halos isang buwan matapos ang karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa sa Pamplona, Negros Oriental, inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ngayong araw ang pagka-aresto sa isang itinuturing na “vital link” sa pagpatay na inaasahang magkakaroon ng malaking papel sa paglutas ng kaso.

Sa isang press conference sa Camp Crame kasama ang ibang miyembro ng Special Task Force Degamo, ipinahayag ni Abalos ang pag-aresto sa isa sa sinasabing “main conspirator” ng pagpaslang na si Marvin Halaman Miranda na kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Based on the revelations and confessions of the arrested suspects including discharged/former members of the AFP, who had a direct participation in the killing of Governor Degamo, Marvin Miranda, upon the instruction of a certain “BOSS IDOL” / “BIG BOSS” / “KALBO”, was the one who recruited them and the person who provided logistical and material support during the planning and execution of the assassination plot against Governor Degamo,” ani Abalos.

Ayon sa Kalihim, napag-alaman din ng mga otoridad na ang nahuling suspek ay long-time bodyguard ni Congressman Arnulfo Teves Jr. at nakulong na noong Hunyo 2020 sa paglabag sa RA 10591 (Illegal possession of firearms).

Sa kasalukuyan, 11 suspek sa kaso ang kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI, kasama si Miranda.

“With the arrest of Marvin Miranda, we are certain that the pieces of the puzzle are almost complete, and we can clearly picture out what really transpired before, during, and after the brazen attack in Pamplona, Negros Oriental, which will eventually help us in unmasking and identifying the main conspirators and masterminds behind the gruesome murder of Governor Degamo and others,” ani Abalos.

Samantala, ipinahayag rin ni Abalos sa press conference na sa isinagawang search warrant nitong Marso sa mga lupang pag-aari ni Pryde Henry Alipit Teves Brgy. Caranoche, Sta. Catalina, Negros Oriental, na-recover ang isang STEYR 5.56 rifle na may serial number AS9411225 na nakarehistro sa pangalan ni Congressman Arnolfo Alipit Teves Jr. Ang nasabing firearm ay isa sa mga hindi na isinusuko ni Cong. Teves matapos ma-revoke ang kanyang license to own and possess firearms noong Enero 2023.

Bukod pa dito, nadiskubre rin sa raid ng mga otoridad sa HDJ-Tolong compound na pag-aari rin ni Pryde Teves ang ilang sinunog na damit, pitaka, IDs at iba pang dokumento na pag-aari ng dalawang naarestong gunmen sa pagpatay kay Degamo. Ang mga ito, aniya, ay pinoproseso na ng SOCO team at isinasailalim na sa forensic examination.

Kumpiyansa rin si Abalos na sa tulong ng mga salaysay ng mga suspek at ebidensyang nakuha sa patuloy na imbestigasyon, malapit nang madala sa hustisya ang mastermind at iba pang mga kasabwat sa krimen.

“We are now at the tail end of our quest for justice and hunt for the masterminds behind the death of Governor Degamo and eight others, and wounding of many more victims,” ani ng Kalihim.

Muling pinasalamatan ni Abalos ang Philippine National Police (PNP), na pinangungunahan ni PBGen. Rodolfo Azurin Jr., ang 11th Infantry Battalion ng AFP, NBI, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at iba pang miyembro ng Special Task Force Degamo sa kanilang pagsisikap sa imbestigasyon upang maresolba ang pagpaslang kay Degamo at ilan sa kanyang mga nasasakupan.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-Vital-link-sa-Degamo-killing-naaresto-na-kaso-malapit-nang-malutas/NC-2023-1050