Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na pagbutihin ang pamamahala sa mga nasasakupan nilang batis, lawa at katubigan. Tiniyak din ng Kagawaran ang suporta nito sa mga LGUs sa pag-protekta sa mga municipal waters at biyayang dagat sa West Philippine Sea (WPS), lalong-lalo na ang pagpapalakas ng batas laban sa iligal, hindi naiiulat at hindi tamang paraan ng pangingisda.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na batay sa resulta ng Fisheries Compliance Audit (FishCA) ng Kagawaran kaugnay sa pagsusubaybay nito sa mga LGU sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 8550 o ang Philippine Fisheries Code of 1998, ang mga lokal na pamahalaan ay nararapat ipagpatuloy ang pagpapabuti ng kanilang pamamahala sa mga katubigan o karagatan sa kani-kanilang bayan.

Binanggit ni Año ang ulat ng mga partner ng Kagawaran na non-government organizations (NGOs) na sa pamamagitan ng paggamit ng mga Visible Infrared Imaging Radiometer Suite (VIIRS) technology ay napag-alamang may mataas na insidente ng panghihimasok ng mga komersyal na sasakyang-dagat sa municipal waters.

Sinabi nito na ang mga LGUs “ang nangunguna sa pagsiguro ng suplay ng pagkain, lalo na ngayong panahon ng pandemya”. Sabi ni Año na ang Kagawaran ay nakatutok at nakatuon na palakasin ang mga LGUs na nasa baybaying dagat para sa transparent at participatory na pamamalakad ng municipal waters, bilang pagsunod sa national fisheries laws.

“Ito’y para suportahan ang LGUs sa pagtitiyak ng sapat na supply ng pagkain mula sa municipal waters at sa pamamahala sa kanilang lokal na suplay ng pagkain at para mailapit ang mga palengke sa tao at siguruhin ang patuloy na kabuhayan ng mga mangingisda at mga komunidad na nakikinabang sa mga biyayang dagat,” dagdag pa ni Año.

Binigyang-diin pa ng Kalihim ang kahalagahan ng pagkakaroon ng harvest control rules (HCR) at iba pang paraan na maaaring magamit ng LGUs sa pagpapatupad at pangangasiwa upang mapanatili ang mga pagkukunan ng mga palaisdaan.

Sabi ni Año, ang pagtasa sa kalidad ng mga nakukuhang yamang dagat sa mga katubigan sa mga bayan at pagtalaga ng mga fish catch documentation ay upang masubaybayan ng LGUs ang kasaganahan o ‘di kaya ay pagkaubos ng kanilang pinagkukunan ng mga ito.

Sinabi ni Año na ang mga mangingisda ay kailangan ang teknikal na tulong o kapasidad upang mapanatili ang maayos na kaugalian sa pangingisda gayundin ang pagpapabuti ng kanilang mga gamit at sasakyang-dagat.

Pagpapatupad ng Fisheries Code

Samantala, ibinahagi naman ni Assistant Secretary for Special Concerns-Local Government Sector Atty. Odilon L. Pasaraba, kung paano hinihikayat ng DILG ang mga LGUs sa patuloy na pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Fisheries Code sa mga pamahalaang lokal.

Sinabi pa nito na ang Kagawaran ay patuloy na pinalalakas ang FishCA sa pamamagitan ng pag-validate na isinasagawa sa pakikipag-tulungan ng mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno katulad ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), Department of the Environment and Natural Resources (DENR) at mga NGOs.

“Ito ay sinubukan na sa may Manila Bay area at kasalukuyang pinag-aaralan kung ito ay puwedeng ipatupad sa buong bansa,” sinabi ni Pasaraba sa Virtual Presser ng Presidential Communications Operations Office kasama ang National Task Force for the WPS.

Sinabi ni Pasaraba na patuloy ang suporta ng DILG sa mga LGUs sa pagtugon sa coastal resource management sa kanilang local development plans na siyang gabay ng mga LGUs para sa kanilang pamamahala ng municipal waters ayon sa technical at institutions capacity ng mga pamahalaang lokal.

“Ang pamamahala sa mga municipal waters ay napakahalaga sa food security upang masiguro ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at mapanatili ang pagkukunan ng mga susunod na henerasyon,” binigyang-diin ni Pasaraba.

Ayon sa Philippine Fisheries Code, ang “municipal waters” ay hindi lamang iyong mga batis, mga lawa, mga katubigan papasok sa lupa na sakop ng munisipyo na hindi kasama sa protected areas ayon sa RA 7586 o National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act, public forest, timber lands, forest reserves o fishery reserves, pero maging ang marine waters na kasama sa pagitan ng dalawang linyang nakaguhit ng perpendicular sa general coastline mula sa mga punto kung saan ang boundary lines ng municipality ay dumudugtong sa dagat tuwing low tide at ang ikatlong linyang parallel sa general coastline kabilang na ang offshore islands at 15 kilometers mula sa coastline. Kapag ang dalawang munisipalidad ay nasa magkabilang shores na may hindi bababa sa 30 kilometers ng marine waters sa pagitan nila, ang ikatlong linya ang siyang equally distant mula sa kabilang shore ng kani-kanilang bayan.

Sa Administrative Order No. 29, series of 2012 ipinag-utos ang pagpangalan ng ‘West Philippine Sea’ sa mga karagatan sa kanluraning bahagi ng kapuluan ng Pilipinas. Kasama rito ang Luzon Sea gayundin ang mga karagatan sa kapaligiran nito, sa loob at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo De Masinloc na mas lalong kilala na Scarborough Shoal.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Ao-tiniyak-ang-suporta-ng-DILG-sa-LGUs-sa-pagprotekta-ng-municipal-waters-biyayang-dagat-sa-West-Philippine-Sea/NC-2021-1173