September 15, 2023
Sa patuloy na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. laban sa iligal na droga na nakatuon sa demand reduction sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang paglulunsad ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program sa Zamboanga del Sur nitong Huwebes ng umaga.
Ang paglulunsad ng BIDA Program ay isa sa mga itinampok sa ng pagdiriwang ng ika-71 na Araw ng Zamboanga del Sur sa Mega Gymnasium Provincial Government Complex, Dao, Pagadian City, na dinaluhan ni Abalos bilang Guest of Honor at Speaker.
Sa kanyang mensahe sa harap ng tinatayang 1,500 Zambosurians, binigyang-diin ng DILG Chief ang kritikal na papel ng mga local government units (LGUs) at iba pang sektor ng lipunan sa pagtugon sa banta ng droga sa pamamagitan ng edukasyon, pag-iwas sa droga, at rehabilitasyon kasabay ng walang humpay na anti-drug operations ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas.
“Ang importante habang nanghuhuli ang mga pulis, tayong mga nasa LGU –mga barangay captain, konsehal, mayor, gobernador, bokal – community groups, religious leaders, parents, whole-of-nation approach dapat. Bumaba tayo, tulungan natin ang pulis. It’s not only about supply reduction. But most importantly, it’s about demand reduction,” ani Abalos.
Bukod dito, binati ng DILG Secretary ang lalawigan ng Zamboanga del Sur sa kanilang ika-71 na pagdiriwang ng Charter Day. Pinuri rin niya ang pamumuno ni Gobernador Victor J. Yu na itinuon ang kanyang pamamahala sa H.E.A.R.T.S. o Health, Education and Environment, Agriculture, Roads and Bridges, Tourism, at Security.
Tinapos ni Abalos ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagbibigay inspirasyon sa mga lokal na opisyal na ipagpatuloy ang panawagan ni Pangulong Marcos ng pagkakaisa: “Iisang bangka tayo. We are given this opportunity, let’s make the most out of it. It’s time to make a difference for our province, for our city, and most especially for our country. Wala nang sana ganito, sa ganyan sa Pilipinas, wala na. Panahon natin ‘to gawin na natin ang tama at huwag tayong matakot. Magtulungan tayo.”
Bilang isa sa itinuturing na best government initiatives sa Asya ng international award-giving body na GovMedia Awards, ang BIDA Program ay inilunsad na sa mahigit 700 LGUs sa buong bansa mula nang opisyal itong ilunsad noong Nobyembre ng nakaraang taon. Nagkaroon na rin ng ilang aktibidad tulad ng BIDA Fun Runs, Serbisyo Caravans, Zumba session, cycling event, workshop, at seminar.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/BIDA-Program-ng-DILG-inilunsad-sa-Zamboanga-del-Sur/NC-2023-1164