May 8, 2023
Bilang pagtalima sa layunin ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawn (BIDA) Program na pagkaisahin ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa laban kontra iligal na droga, makikipagtulungan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa malalaking kumpanya sa bansa upang dalhin ang kampanya kontra droga sa pribadong sektor.
Sa kanyang naging talumpati sa signing ceremony ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DILG at United States Agency for International Development (USAID)-RenewHealth Miyerkules ng hapon, isiniwalat ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang napipintong paglulunsad ng “BIDA Workplace.”
“We are coordinating with the different employers in the Philippines – the big ones. And we are going to sign agreements with them as part of the BIDA Program,” ani Abalos.
Plano ng DILG na pormal na ilunsad ang BIDA Workplace sa May 25, 2023.
Sa ilalim ng pipirmahang mga kasunduan, magkakaroon ng kani-kaniyang programa at polisiya kontra droga ang mga pribadong kumpanya na naaayon sa adhikain ng BIDA Program, ayon kay Abalos.
Isang halimbawa aniya ay ang pagsasagawa ng random drug testing ng mga empleyado.
“If one is found to be positive we will let the company handle the matter and enforce appropriate sanctions such as suspension, dismissal, or they can order their employee to undergo rehabilitation,” ani ng Kalihim.
“Just imagine kung lahat ng kumpanya ay gawin ito, tiyak na magiging malinis ang ating bansa at mananalo tayo sa laban kontra droga,” dagdag pa niya.
Paliwanag ng Kalihim, naging inspirasyon ng BIDA Workplace ang naging magandang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa panahon ng pandemiya, partikular sa pagpatupad ng COVID-19 testing.
“Dadalhin natin ang magandang samahan na ito sa laban kontra droga. Ang mga malalaking kumpanya ay ating hihikayatin na makibahagi sa laban na ito. Dahil sa ating BIDA Program, bawat sektor, bawat indibidwal ay mayroong mahalagang papel – iyan ang ating whole-of-nation approach,” dagdag ng Kalihim.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/BIDA-Workplace-DILG-makikipagtulungan-sa-mga-pribadong-kumpanya-sa-laban-kontra-droga/NC-2023-1072