Ipinahayag ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) na 95% o P10.7-bilyong ayuda o tulong pinansyal ang naipamahagi na ng mga pamahalaang lokal sa National Capital Region (NCR) sa mga kwalipikadong low-income na benepisyaryo hanggang Agosto 31, 2021.
Ayon kay Kalihim Eduardo M. Año ng DILG, 10,663,537 benepisyaryo mula sa Metro Manila ang nakatanggap na ng tulong pinansyal bilang suporta sa kanila matapos isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang rehiyon. Kinilala din niya ang mga pamahalaang lokal para sa kanilang mabilis na pamamahagi ng ayuda at inaasahang maipamimigay nila ang natitira pang pondo sa lalong madaling panahon.
“Isang tagumpay sa gitna ng pandemya ng COVID-19 na naipamigay ng mga pamahalaang lokal sa Metro Manila ang tulong pinansyal sa ating mga kababayan at ngayon nga ay 95% o P10.7-bilyon na ang naipamahagi,” sabi ni Año.
Aniya, para sa mga hindi pa nakakukuha ng ayuda, maaari nilang iproseso at idulog ang kanilang nakabinbin na claims sa LGU Grievance and Appeals Committee hanggang Setyembre 10, 2021 na siyang huling araw ng pamamahagi bago ibalik ang natirang pondo sa National Treasury.
“Pagbati sa ating mga pamahalaang lokal dahil sa kanilang mabilis na pamimigay ng ayuda maging sa gitna nang pagkalat ng Delta variant, habang patuloy na pinaiiral ang ating health protocols,” dagdag niya.
May kabuuang P11.2-bilyon tulong pinansyal ang inilaan ng nasyunal na pamahalaan na siyang nagbigay ng P1,000 sa bawat low-income na indibidwal hanggang sa pinakamataas na P4,000 ayuda para sa isang buong pamilya na apektado ng ECQ sa NCR mula Agosto 6-20, 2021.
Sinabi ni Año na anim na lungsod ng NCR kasama ang Manila, Caloocan, Pasig, Malabon, Navotas, at Quezon City ang nakumpleto na ang pamamahagi ng ayuda sa 6,536,554 na benepisyaryo na may kabuuang halaga na P6.5-bilyon na tulong pinansyal.
“Binabati natin ang mga lungsod sa NCR na 100% na ang kanilang distribution rate dahil ibig sabihin lamang nito na nakarating na sa lahat ng mga nangangailangan nating kababayan ang tulong mula sa pamahalaan,” aniya.
Idinagdag din niya na karamihan sa mga pamahalaang lokal ng NCR ay halos tapos na sa pamamahagi ng ayuda na may porsyento na 90%-99% tulad ng mga Lungsod ng San Juan, Bayan ng Pateros, Lungsod ng Las Piñas at Lungsod ng Mandaluyong na may porsyento ng pamamahagi na 99.52%, 98.85%, 96.61%, 95.61%, and 93.90%, ayon sa pagkakabanggit.
Samantala, kinilala ng Tagapagsalita at Pangalawang Kalihim ng DILG na si Jonathan E. Malaya ang Philippine National Police, pinuno ng mga barangay, at iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pag-unlad (DSWD) at ng Kagawaran ng Pambansang Tanggulan (DND) sa pagtulong sa pamamahagi ng ayuda “sa gitna ng matinding banta ng mas nakahahawang Delta variant.”
“Pinasasalamatan namin ang lahat ng ating mga nakatuwang sa pamamahagi ng tulong pinansyal para sa ECQ dito sa NCR. Lubha pong napakalaking sakripisyo ang inyong ibinibigay pero kapalit naman po nito ay milyon-milyong mga kababayan natin ang ating natulungan ngayong pandemya,” ani Malaya.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-95-o-P107-bilyon-ayuda-naipamahagi-na-sa-mga-kwalipikadong-benepisyaryo/NC-2021-1172