October 16, 2023
Ang programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) na kampanya laban sa iligay na droga ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay itatampok sa 20 sinehan at anim na LED walls ng Megaworld Lifestyle Malls sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati matapos ang pagpapalabas ng BIDA video advertisement nitong Biyernes, pinasalamatan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang Megaworld na ikalawang mall chain na magpapalabas ng BIDA ad, sa pagtupad sa kanilang commitment na suportahan ang BIDA at binigyang-diin na ang paglutas sa problema ng droga ay nangangailangan ng pagbabago ng estilo ng buhay na nakabase sa supply at demand reduction.
Pinuri ni Abalos ang mga ginagawang hakbang ng Megaworld upang mapanatiling drug-free ang kanilang mga pinagtatrabahuhan sa pamamagitan ng random drug test at mga gate ambassadors o K-9 dogs na sanay sa pagtuklas ng mga illegal substances at deadly weapons.
Binigyang-diin ni Abalos na ang giyera laban sa droga ay hindi lamang laban ng kapulisan at pamahalaan, kundi ng lahat ng sektor na nagtutulungan sa whole-of-nation approach laban sa iligal na droga sa ilalim ng BIDA program.
“It is a good fight and we will win this fight,” aniya.
Nagpasalamat naman si Megaworld Assistant Vice President for Lifestyle Malls Mark Sta. Ana sa pakikipagtambalan ng DILG sa kaniyang kumpanya sa isang mahalagang layunin at nangakong maaaring gamitin ang ilang espasyo ng Megaworld para pagdausan ng mga BIDA events at iba pang BIDA activities.
Ang Megaworld Lifestyle Malls ay ang retail at commercial arm ng Megaworld Corporation na isa sa mahigit sa 30 malalaking kompanya sa bansa na nakipagtambal sa DILG para sa “BIDA Workplace Program” upang isulong ang drug-free workplaces.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-at-Megaworld-Lifestyle-malls-nagtambal-sa-pagpapalabas-ng-BIDA-ads-sa-20-sinehan-sa-buong-bansa/NC-2023-1192