DILG at PNP Handang Arestuhin ang Mga Sangkot sa Php100M Ghost Project sa Utos ni Pangulong Marcos

Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., handang–handa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police na arestuhin ang mga indibidwal na responsable sa ghost flood control project sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na nagkakahalaga ng Php100 milyon.

Tinitiyak ng DILG na mahigpit na minomonitor ang kinaroroonan ng mga taong humaharap sa kasong Malversation through Falsification at paglabag sa Republic Act 3019 Section 3(e). Kapag inilabas na ng korte ang warrant of arrest, agad silang dadakipin at ihaharap sa hustisya.

Gaya ng paalala ng Pangulo, walang makakalusot sa batas. Mananagot ang mga sangkot at matitiyak ng bayan na may hustisyang haharap sa mga gumawa ng korupsyon at katiwalian.