October 10, 2023
Nakipagpulong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga pinuno ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) upang pag-usapan ang pagtutulungan sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) 41 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nagbabawal sa pagngongolekta ng ‘pass-through fees’.
Sa pamamagitan ng EO 41 na inilabas noong nakaraang linggo, inuutusan ang mga lokal na pamahalaan na itigil ang pagkolekta ng anumang uri ng bayad para sa lahat ng klase ng sasakyang naghahatid ng mga produkto batay sa Seksyon 153 o 155 ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991.
Kabilang sa mga ito ay para sa sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, o Mayor’s Permit fees na ipinapataw sa lahat ng sasakyang nagdadala ng kalakal at dumadaan sa anumang lokal na pampublikong kalsada na pinagawa at pinondohan ng nasabing mga lokal na pamahalaan.
Sa kanyang pagpupulong kasama si ULAP President Gov. Dax Cua at iba pang opisyal ng liga, hinimok ni Abalos ang mga ito na hikayatin ang kanilang mga miyembrong liga at mga pamahalaang lokal na magpasa ng mga resolusyon na nagpapahayag ng suporta para sa EO 41 bilang pagpapakita ng kanilang kahandaan na ipatupad ang mga layunin nito.
“Kinikilala ng DILG ang kahalagahan ng mga LGU bilang mga katuwang ng pambansang pamahalaan sa pagtataguyod ng mga layunin ng pambansang pag-unlad. Kaya naman, hinihimok namin ang ULAP na mangalap ng suporta para sa EO 41 upang mapadali ang pagdaloy ng mga kalakal at serbisyo sa buong bansa,” aniya.
“Kapag nagtutulungan ang pambansang pamahalaan, mga liga, at mga LGU, kayang-kaya nating harapin ang lahat ng hamon at mas magiging epektibo at mas mabilis ang paghahatid natin ng serbisyo sa ating mga mamamayan,” idinagdag pa ni Abalos.
Ipinahayag naman ni ULAP President Gov. Dax Cua ang buong suporta ng samahan sa mga adhikain ng EO 41 sa pamamagitan ng pagpasa ng isang resolusyon na naghihikayat sa lahat ng mga pamahalaang lokal na agad na sumunod sa nasabing direktiba.
Kasabay nito, sinabi ni Cua na kakausapin niya ang lahat ng mga pamahalaang lokal na sumunod sa nasabing EO at magpasa ng lokal na ordinansa na magbabawal sa pagkolekta ng mga nasabing bayad sa kanilang mga nasasakupang teritoryo.
Aniya, magtutulungan ang ULAP, DILG at iba pang mga ahensiya upang tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng moratorium sa mga bayad para sa paghahatid ng mga produkto sa mga lokalidad.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-at-ULAP-pinagtibay-ang-pagtutulungan-sa-pagpapatupad-ng-EO-41/NC-2023-1180