May 2, 2023
Matapos makapagtala ng pagtaas sa bilang ng insidente ng sunog ngayong tag-init, mariing pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko na patuloy na maging maingat at mapagbantay upang maiwasan ang sunog.
Ayon sa datos ng BFP, tumaas ng halos 40% ang naitalang sunog mula Abril 1-26, 2023, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Mula sa 953 insidente ng sunog noong Abril 2022, pumalo sa 1,332 ang naitalang sunog sa buong bansa ngayong Abril ng kasalukuyang taon.
Ayon sa BFP, ang mga dahilan sa pagdami ng sunog ay ang pagtaas sa demand ng kuryente ngayong tag-init na maaaring nagkokompromiso sa mga palyadong linya ng kuryente, mga tuyong dahon, damo, at mga basura na madaling masunog ng init ng araw o mga ligaw na upos ng sigarilyo.
Hinimok ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga local government units (LGUs) na magsagawa ng inspeksyon at makipag-ugnayan sa mga lokal na tanggapan ng BFP upang matiyak ang tamang pagsunod ng mga establisimyento sa mga panuntunan ng Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines (FCP).
“Tiyakin natin na ang mga buildings ay mayroong fire exits, fire protection systems tulad ng sprinklers, hose box, at iba pang fire safety features alinsunod sa Fire Code of the Philippines. Huwag po nating ipagwalang bahala ang mga ganitong bagay dahil buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakasalalay rito,” ani Abalos.
Dagdag pa ng Kalihim, ang mga simpleng fire safety protocol tulad ng pag-unplug ng mga appliances na hindi ginagamit; hindi pag-iiwan ng bukas na kalan; regular na pagsusuri sa tangke ng liquefied petroleum gas o LPG; at pag-iimbak ng mga bagay na madaling masunog sa ligtas na lokasyon ay ilan lamang sa mga paraan upang mapanatiling ligtas kontra sunog ang mga tahanan.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-BFP-nanawagan-ng-patuloy-na-pag-iingat-sa-gitna-ng-pagtaas-ng-insidente-ng-sunog-ngayong-tag-init/NC-2023-1064