Upang kilalanin ang best practices ng mga local government units (LGUs) sa pagtataguyod ng aktibong transportasyon sa panahon ng pandemya, magsasagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr) at dalawa pang ahensiya ng pamahalaan ng Bike Lane Awards bilang pagkilala sa LGU best practices at innovations sa pagpapagawa ng bike lanes.
“Layunin ng Bike Lane Awards na kilalanin ang mga pagsisikap at pamamaraan ng mga LGUs sa pagsusulong ng aktibong transportasyon lalong-lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan ang paggalaw ay limitado. Dagdag pa rito, inaasahan namin na maipapalaganap din namin ang kahalagahan ng kaligtasan sa kalsada at mahikayat ang pagpapagawa ng protektadong bike lanes,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.
Sa DILG Memorandum Circular No. 2021-113, hinikayat ni Año ang lahat ng LGUs na mayroon o may kasalukuyang ginagawang bike lane na makilahok sa “National Bike Day” Bike Awards 2021: LGUs Active Mobility Initiatives and Practices in the Establishment of Bike Lanes, na nakatakdang ganapin sa Nobyembre 28, 2021.
Noong nakaraang taon, ipinalabas ang DILG- MC No. 2020-100 upang hikayatin ang lahat ng LGU na ipalaganap at gawing mas accessible ang aktibong transportasyon sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ng DILG Secretary na ngayon na mayroong limitadong pampublikong transportasyon dahil sa pandemya, “ang aktibong transportasyon ay mas importante upang ang mga tao ay patuloy na makapag-report magmula at patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan at maka-access sa mga pangunahing serbisyo.”
“Ang hamon sa mga LGUs ay tulungan ang mga concerned government agencies at iba pang stakeholders, na isagawa at ipatupad ang aktibong transportasyon. Sa pamamagitan ng Bike Lane Awards, ang pakay namin ay kilalanin at ipagdiwang ang makabagong pamamaraan ng mga LGUs sa pagsasagawa ng bike lanes,” sabi nito.
Ang Active Transport Technical Working Group (TWG) na binubuo ng DILG, DOTr, Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Health (DOH) ang magsusuri sa mga LGUs ayon sa mga sumusunod na batayan: pang-institusyonal na mekanismo; polisiya, ordinansa at iba pang direktiba; coverage at plano ng bicycle network; kalidad ng network at disenyong pang-imprastraktura; pagpapatupad, pagmomonitor at ebaluasyon; at road safety design at compliance sa design standards.
Sinabi ni Año sa mga LGUs na nais lumahok ay dapat magpasa ng mga kinakailangan dokomento sa DILG para masuri. Ang DILG ay titingnan ang mga isinumiteng entries batay sa mga isinumiteng dokumento at Means of Verifications (MOVs).
Ang DILG ang pipili sa mga kuwalipikadong LGU candidates batay sa kompletong dokumentong isinumite, kung saan ang bawat isa ay dapat naglalaman ng mga sumusunod: background profile ng bike lane network at policy initiatives; bike lane network/s; at iba pang kinakailangang impormasyon.
“Ibig namin ipaalala sa mga LGUs na ang MOVs ay dapat komprehensibo dahil ito ay gagamitin upang ma-access at maintindihan ang LGU performance. Iyon lang mga LGUs na nakapag-submit ng kumpletong dokomento at attachments ang kwalipikado para sa national validation,”
sabi pa nito.
Ang mga LGUs na nakapasa sa initial screening ay kabilang sa National Validation na gaganapin sa una hanggang ikatlong linggo ng Nobyembre 2021, upang matukoy ang national awardees sa bawat kategorya.
Ang mga LGUs ay hahatiin sa tatlong kategorya: City; 1st to 3rd Class Municipality; at 4th to 6th Class Municipality. Ang unang tatlong LGUs sa bawat kategorya ay makakatanggap ng plaque of recognition at idedeklara bilang Gold, Silver at Bronze awardees, na ang kabuuang iskor ay dapat aabot sa 75% passing rate.
Mayroon ding ibibigay na special awards sa mga LGUs na nagpakita ng exemplary performance, nagpakita ng best practices, at innovative interventions sa mga piniling aspeto ng pagpapatupad ng programa.
Ang mga interesadong LGUs ay maaring ma-access ang required template sa pamamagitan ng link: bit.ly/2021bikelanesaward. Ang mga nasagutang templates ay dapat i-submit sa DILG Bureau of Local Government Supervision (BLGS) sa pamamagitan ng DILG Regional Offices.
Ang huling tawag para sa pagsusumite at konsolidasyon ng mga lahok ay hanggang Oktubre 22, 2021 na lamang.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-DOTr-magsasagawa-ng-Bike-Lane-Awards-2021/NC-2021-1196