ginawad ng Kagawaran ng Interyor at Pamahahalaang Lokal (DILG) ang Manila BAYani awards sa tatlong lungsod at dalawang munisipalidad bunga ng kanilang pagsisikap at dedikasyon na makibahagi sa rehabilitasyon ng Manila Bay watershed area maging sa gitna ng pandemyang dala ng COVID-19.
Ayon sa Kalihim Eduardo M. Año ng DILG, ang mga nagwagi sa 2020 Manila BAYani Awards and Incentives (MBAI) para sa kategoryang Panlungsod ay ang Lungsod ng Biñan sa Laguna (Unang gantimpala), Lungsod ng Balanga sa Bataan (Ikalawang gantimpala), at Lungsod ng Navotas (Ikatlong gantimpala). Samantala, nakuha naman ng Kalayaan sa Laguna (Unang gantimpala) at Baliwag sa Bulacan (Ikalawang gantimpala) ang pagkilala para sa Kategorya ng Munisipalidad.
“Pagbati sa mga nagsipagwagi! Malaking inspirasyon ang inyong tagumpay bunga ng inyong patuloy na dedikasyon at pagsusumikap na tumupad sa mga batas pangkalikasan na sumusuporta sa rehabilitasyon ng Manila Bay at mga hangarin ng Manila Bay Clean-up Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP). Ipagpatuloy n’yo ang inyong pakikiisa at pakikipagtulungan sa rehabilitasyon ng Manila Bay,” pahayag ni Año.
Sa pangunguna ng DILG at sa pamamagitan ng MBCRPP, layon ng MBAI na kilalanin ang mga pamahalaang lokal na nagpakita nang hindi matatawarang pagganap sa kanilang mandato at tungkulin sa ilalim ng mga batas pangkalikasan kaugnay sa rehabilitasyon ng Manila Bay. Hinihikayat nito ang mga pamahalaang lokal na linangin ang kanilang pagiging malikhain at bumuo ng mga hakbang at inobasyon sa pangangasiwa ng kalikasan.
Ipinahayag ni Año na ang limang nagsipagwagi ay umangat mula sa 187 na pamahalaang lokal na sakop ng Manila Bay watershed area matapos ang mahigpit na pagkilatis at balidasyon gamit ang mga sumusunod: pangangasiwa ng liquid waste, pangangasiwa ng solid waste, pangangasiwa sa mga informal settler, at impormasyon, edukasyon at komunikasyon at kaayusang pang-institusyon.
“Hindi matatawaran ang pagtugon at pakikiisa ng mga pamahalaang lokal na ito sa ating hangaring muling buhayin ang Manila Bay sa pamamagitan ng MBCRPP. Ang ating paggagawad sa kanila ay isang pasasalamat at isang patunay na kinikilala natin ang kanilang mga pagsisikap,” aniya.
Ibinahagi ni Año na malaking hamon ang pagkilatis sa 187 pamahalaang lokal sa paligid ng Manila Bay area para sa MBAI dulot ng mga paghihigpit upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 ngunit “ang DILG, rehiyon at nasyunal, ay naging malikhain sa pagtiyak na ang mahigpit na ebalwasyon ay maisakatuparan.”
“Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng ating bansa, nais namin sa DILG na huwag mawala sa radar ng mga pamahalaang lokal ang rehabilitasyon ng Manila Bay kaya patuloy kami sa pagpapairal nito,” aniya.
Sinabi ng Kalihim ng DILG na ang Lungsod ng Biñan, na nagwagi sa unang pagkakataon, ay tumanggap ng P1.5-milyon matapos manguna sa kategoryang Panlungsod habang ang Lungsod ng Balanga na tatlong beses nang naging finalist at ang Lungsod ng Navotas ay tumanggap ng P750,000 at P500,000, ayon sa pagkakabanggit.
Ang bayan ng Kalayaan sa Laguna ay tumanggap din ng P1.5-milyon bunga ng pangunguna sa kategoryang Pang-munisipalidad at P750,000 naman para sa tatlong beses nang nagwawagi na Baliwag, Bulacan na ngayong taon ay pumangalawa.
Idinagdag din ni Año na bago ang pagpili sa mga nagsipagwagi, binigyang pagkilala din ang mga nanguna sa pang-rehiyong antas sa pamamagitan ng Regional Interagency Committee Assessment (RIAC) na nagbigay ng P300,000, P200,000, at, P100,000 para sa tatlong pamahalaang lokal na pinakamahusay mula sa Rehiyon 3, 4A at National Capital Region (NCR).
Ayon sa Mandamus na ipinalabas ng Korte Suprema noong Disyembre 18, 2008, ang DILG, DENR at 11 pang mga pambansang ahensya ng pamahalaan ay inatasan na manguna sa rehabilitasyon at pangangalaga ng Manila Bay upang ito ay maging angkop na languyan, sa skin diving at iba pang contact recreation dito.
Ang DILG ay binigyan din ng mandato ng kataas-taasang hukuman na pangasiwaan ang mga pamahalaang lokal sa Rehiyon 3, 4A at NCR na nasa loob ng Manila Bay watershed area na bumuo ng mga programa at gawain para sa rehabilitasyon, gayundin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon at edukasyon upang ipaalam at hikayatin ang publiko na makilahok.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-iginawad-ang-Manila-BAYani-Awards-sa-5-pamahalaang-lokal/NC-2021-1170