October 10, 2023
Sa pagdiriwang ng Local Government (LG) Month ngayong Oktubre, itatanghal ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) sa pamamagitan ng Festival of Local Excellence (FLEX) ang mga matagumpay na programa at proyekto na nagpapakita ng kahusayan sa lokal na pamamahala at naaayon sa socio-economic agenda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ayon sa temang “Empowerment, People’s Participation, and Efficiency in Program Service Delivery,” ang FLEX ang sentro ngayong taon ng Philippine Local Governance Forum, na taun-taong inihahanda ng DILG sa pagdiriwang ng LG Month at naglalayong ipagbunyi ang mahahalagang ambag ng mga local government units (LGUs) sa nation-building. Ang Local Government Academy, ang training arm ng DILG, ang punong-abala sa pagdiriwang ng LG Month.
“We want to foster a culture of learning and sharing among local governance stakeholders. FLEX will not only highlight the best practices and success stories on local governance but will also serve as a knowledge sharing platform of replicable local practices,” ani DILG Secretary Benhur Abalos.
Ayon kay Abalos, ang unang FLEX event ay isang virtual knowledge exchange na may temang “Nurturing Best Practices in Local Governance” at gaganapin sa Oktubre 10.
Ilan sa mga presenters at kanilang mga paksa ay sina Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson na tatalakay sa “Network of Alliances for Coastal Wetlands Conservation”; Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez na magsasalita tungkol sa “Youth in Governance and Management”; at Bulacan Gov. Daniel Fernando na ang paksa naman ay “Gawad Galing Barangay”.
Samantala, ang culminating event na “Philippine Local Governance: Visioning the Future Perfect” na gaganapin sa Oktubre 27, ay magbubunyi sa higit sa tatlong dekada ng pagpapatupad sa Local Government Code. Pag-uusapan rin dito ang mga direksiyon at hangarin ng mgapamamahalang lokal sa Pilipinas tungo sa katuparan ng mga Sustainable Development Goals (SDG) sa taong 2030.
Idineklara ng Presidential Proclamation 63, s. 1992 ang buwan ng Oktubre taon-taon bilang Local Government Month, ang ikalawang linggo nito bilang Local Government Week, at ang ika-sampung araw nito bilang Local Government Day.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-itatanghal-ang-magagandang-LGU-practices-sa-pagdiriwang-ng-Local-Govt-Month/NC-2023-1181