May 9, 2023
Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 17 drug-cleared municipalities mula sa Zamboanga Peninsula nitong Sabado dahil sa kanilang matagumpay na kampanya kontra droga kasabay ng regional launch at roll- out ng programang Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) sa rehiyon.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, lahat o 386 na barangay na sakop ng 17 na bayan ay idinenaklarang drug-cleared na.
Ang 17 na bayan ay ang mga sumusunod: Bayog, Domingag, Josefina, Lakewood, Mahayag, Pitogo, Somingot, Tabina, Tigbao, Vicenzo Sagun at Ramon Magsaysay sa Zambo Del Sur; Siay sa Zambo Sibugay; Kalawit, Labson, La Libertad, Siayan at Sindangan sa Zambo Del Norte.
Binigyan naman ng Kalihim ng DILG ng special mention ang munisipyo ng Jose Dalman, Zamboanga Del Norte bilang kauna-unahang munisipyo na naging drug-cleared sa buong rehiyon.
Batay sa DDB Board Regulation No. 4, s. of 2021, bago ideklarang drug-cleared ang isang bayan, kinakailangang lahat ng nasasakop na barangay nito ay drug-cleared na rin at matapos ang assessment ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing.
Sa datos ng regional Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-9) nitong Disyembre 2022, 1,334 na mula sa 1,904 na mga barangay sa rehiyon ang tuluyan nang nalinis sa iligal na droga. Samantala, 455 naman na mga barangay ang apektado ng iligal na droga, habang 115 naman ang unaffected na mga barangay.
Hinimok ni Abalos ang natitirang 58 municipalities sa rehiyon na maging mas masigasig sa kanilang anti-illegal drugs campaign sa mga komunidad upang sila rin ay maideklarang drug-free.
Samantala, kasabay ng BIDA rollout, inilunsad din ng regional office ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang BIDA Serbisyo Caravan, kaugnay ng PNP KASIMBAYANAN.
Kabilang sa mga serbisyong inihatid ay ang pagpoproseso ng License to Operate and Possess Firearms (LTOPF) at National Police Clearance (NPC) gamit ang NPC system; Neurological Exam at free medical consultation; Recruitment information drive; at pensioner’s ID application.
Mayroon ding mga libreng serbisyo publiko tulad ng libreng gupit, libreng tuli, pagtugon sa mga walk- in complaints at job fair.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-kinilala-ang-17-drug-cleared-municipalities-sa-ZamPen-sa-matagumpay-na-kampanya-kontra-droga/NC-2023-1076