DILG: Mabilis na responde ng Unified 911, nakapigil sa sunog, krimen at mas malaking pinsala
Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kahalagahan ng mabilis na emergency response matapos maiwasan ang mas malaking pinsala sa ari-arian, kabuhayan, at kaligtasan sa ilang insidenteng agad na natugunan sa pamamagitan ng Unified 911.
Sa Bacolod City, Negros Occidental, rumesponde ang mga bumbero tatlong minuto lamang matapos maiulat sa Unified 911 ang sunog sa isang komersyal na establisimyento sa Barangay 21. Agad na naapula ang apoy at walang naiulat na nasugatan o nasawi.
Sa Guinlajon, Sorsogon City, agad ding rumesponde ang Sorsogon City Fire Station sa naiulat na sunog sa isang karinderya. Wala ring naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Samantala, sa Barangay Tambo, Parañaque City, naaresto ang isang hinihinalang shoplifter matapos dumating ang mga responder ng Philippine National Police (PNP) dalawang minuto lamang matapos matanggap ang tawag sa Unified 911.
Ayon sa DILG, ipinakikita ng mga insidenteng ito kung gaano kahalaga ang bawat minuto sa panahon ng emergency. Sa mabilis na pag-uulat at agarang pagresponde, maaaring maiwasan ang paglala ng insidente at mas malaking pinsala sa buhay, ari-arian, at kabuhayan.
Batay sa pinakahuling datos, halos 14 milyong tawag na ang nahawakan ng Emergency 911 National Call Center mula nang ilunsad ang Unified 911 noong Setyembre 2025.
Kasabay ng pagpapabilis ng emergency response, binibigyang-diin din ng DILG ang kahalagahan ng sariling kahandaan ng mga komunidad at negosyo. Sa ilalim ng Obligasyon sa Bayan, Ligtas na Pamayanan (OLP) 2026 Masterplan, ipinapatupad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Emergency Response Plan for Business (ERPB) sa mga establisimyento sa buong bansa.
Ang mga negosyong may hindi bababa sa limang empleyado ay kinakailangang magkaroon ng ERPB, kabilang ang pagtatalaga ng Fire Safety Marshal na mangunguna sa fire prevention, emergency preparedness, at response coordination.
Sa pinakahuling monitoring, 19,870 negosyo na ang nakabuo ng kanilang emergency response plans.
“Emergency response begins long before a crisis strikes. Nagliligtas ng buhay ang mabilis na responde, ngunit ang sariling kahandaan ang ating una at pinakamahalagang linya ng depensa laban sa sakuna,” ayon sa DILG.
Patuloy na isinusulong ng DILG ang whole-of-nation approach sa pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng mabilis na emergency response, responsableng paggamit ng Unified 911, at sama-samang paghahanda ng pamahalaan, komunidad, at pribadong sektor.



























