May 8, 2023
Upang masiguro na aktibong kumikilos ang local Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) para suportahan ang kampanya laban sa iligal na droga, magsasagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng taunang performance audit ng lahat ng ADACs sa buong bansa.
“The war on drugs is everyone’s business. Hindi lamang ito laban ng DILG, ng Philippine National Police (PNP), o ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ito ay laban nating lahat kaya dapat nating siguruhin na kasama natin ang mga pamahalaang lokal sa kampanyang ito,” ani DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr.
Sakop ng isasagawang audit ang lahat ng 81 provincial ADACs, 146 city ADACs, at 1,488 municipal ADACs sa buong bansa. Sila ay susuriin batay sa mga sumusunod na criteria: organized local ADAC; conduct of quarterly meetings; allocation of funds for the implementation of anti-drug activities indicated in the Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan; implementation of ADAC plans and programs; support for ADACs in component local government units (LGUs) at; innovation.
Binigyang diin ni Abalos ang kahalagahan ng papel ng mga ADAC sa whole-of-nation approach na ipinapatupad ng DILG laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program.
Aniya, bahagi ng mandato ng mga ADAC ang pagtatayo at pagpapaigting ng Community-Based Drug Rehabilitation (CBDR) upang alalayan ang persons who use drugs (PWUDS) na magbagong buhay.
“Hindi lamang din natatapos sa rehabilitasyon ang tungkulin ng ADACs at mga LGUs. Kailangan siguruhin natin na magiging produktibong kabahagi sila ng lipunan sa kanilang paglabas sa rehabilitation centers sa pamamagitan ng skills training activities at iba pang reintegration programs,” ani Abalos.
Maaari rin aniyang makipag-ugnayan ang mga LGUs at ADACs sa mga non-government organizations (NGOs) at pribadong sektor upang mapalakas ang kanilang rehabilitation at drug education campaign bilang kabahagi ng whole-of-nation approach ng pamahalaan kontra droga.
Sa aspeto naman ng law enforcement, pinaalalahanan ni Abalos ang mga lokal na opisyal ipagpatuloy ang puspusang drug clearing operations sa kanilang mga lugar.
“Iyan ang dalawang pagtutuunan natin ng pansin sa ilalim ng BIDA Program—supply at demand reduction. Magpapatuloy ang maigting na police anti drug operations at kasabay niyan, tutugunan natin ang ugat ng problema sa droga tulad ng kakulangan sa edukasyon at awareness, kahirapan, at unhealthy lifestyle,” dagdag ng Kalihim.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-magsasagawa-ng-performance-audit-ng-mga-local-anti-drug-abuse-council/NC-2023-1074