DILG: Pagtangkilik sa Wikang Filipino, Panawagan ng Pagkakaisa ngayong Agosto
Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagyamanin ang pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng wika, hinihikayat ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ang lahat ng kawani nito at mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na gamitin ang wikang Filipino sa lahat ng opisyal na transaksiyon at komunikasyon ngayong Buwan ng Wikang Pambansa.
Sa isang memorandum, inatasan ng DILG ang paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na korespondensiya, komunikasyon, at pagsasagawa ng mga gawain sa buong buwan ng Agosto.
Sa Memorandum Sirkular Blg. 2025-076, hinimok din ng DILG ang mga punong lalawigan, lungsod, bayan, at barangay na magsagawa ng mga aktibidad kaugnay ng selebrasyon upang mahikayat ang mamamayan na makilahok at higit na pahalagahan ang Wikang Pambansa.
Pinapayuhan din ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang tema ngayong taon na “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” bilang gabay sa mga aktibidad. Kasama rin dito ang lingguhang mga tema: Agosto 10–16: Wikang Pangkasarian: Agosto 17–23: Ang Pangangalaga sa Katutubong Wika at Kaalaman bilang Pangangalaga sa Kalikasan; Agosto 24–30: Filipino at Wikang Katutubo: Wika ng Malayang Pamamahayag.
Ang paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa ay alinsunod sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 at bilang pagtugon sa panawagan ng Komisyon sa Wikang Filipino na higit pang paigtingin ang pagpapalaganap ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng bansa.
Nanawagan ang DILG sa bawat Pilipino na maging aktibong kalahok sa mga programa ng Buwan ng Wikang Pambansa, bilang pagkilala sa kahalagahan ng wika sa pagtataguyod ng pambansang pagkakaisa, kasaysayan, at kultura.
Original Article At: https://www.dilg.gov.ph/news/DILG-Pagtangkilik-sa-Wikang-Filipino-Panawagan-ng-Pagkakaisa-ngayong-Agosto/NC-2025-1149



























