Dahil sa nalalapit na panahon ng halalan, pinaalalahanan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na ang Voter’s Identification (ID) card ay hindi kinakailangan upang makakuha na mga pangunahing serbisyo mula sa LGUs, katulad halimbawa ng mga serbisyong medikal at financial assistance, at hindi rin ito kailangan sa pagpaparehistro para sa pagbabakuna.

“Inuulit po namin hindi po dapat hinahanapan ng Voter’s ID ang ating mga kababayan para makakuha at mapakinabangan ang serbisyo at paglilingkod mula sa mga pamahalaang lokal. Ito ay hindi kailangan at hindi gagawing requirement ng pamahalaan o ng DILG,” sabi ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Sinabi ni Malaya sa mga LGUs na hindi dapat hanapan ng Voter’s ID bilang pangunahing pagkakakilanlan ang mga mamamayan upang mabakunahan o maka-access at makatanggap ng mga programa at serbisyo ng LGUs na para sa benipisyo ng mga tao.

Sinabi pa nito na bukod sa voter’s ID, marami pang mga government ID ang maaaring ipakita ng mga mamamayan bilang patunay na sila ay residente ng naturang LGU.

Sabi din nito, na kadalasan kapag may transaksyon na ang benipisyaryo ay hinihingan ng proof of identity, sila ay binibigyan ng pagkakataon na magpakita ng mga ID, katulad ng Philippine Passport, employment ID, at PhilHealth ID, at iba pa, depende sa pangangalaingan.

“Kapag walang voter’s ID, hindi ibig sabihin na ikaw ay second-class citizen. Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa mga walang voter’s ID o ipagkait sa kanila ang mga mahahalagang serbisyo na karapat-dapat nilang makuha,” diin pa nito.

Muli pang sinabi nito sa mga LGUs na dapat isa-isip nila,

“ang pera ng mamamayan sa pamamagitan ng buwis ang ginagamit nila upang magbigay ng mga serbisyo. Kaya nararapat lang na ibalik nila ito sa mamamayan at pag-silbihan sila, kung sila man ay rehistradong botante sa kanilang bayan o hindi.”

Ang pahayag ng DILG ay inisyu makaraan makatangap ng ulat mula sa mga mamamayan na may mga LGUs na naghahanap o ipinapa-presenta ang Voter’s ID bago makakuha ng mga serbisyo mula sa pamahalaan.

Sa mga pagkakataon na ang isang mahirap na mamamayan ay walang maipakitang pagpapatunay ng pagkakakilalan, sinabi ni Malaya, na maaari siyang humingi ng tulong sa barangay upang makahingi ng Barangay Certification kung saan nakasaad dito na siya ay lehitimong residente ng barangay. “Kung wala talagang maipakita ang tao ay matutulungan siya ng barangay na kumuha ng Barangay Certificate.”

Patuloy namang pinaaalahanan nito ang mga LGUs na itigil na ang pamumulitika sa mga pangunahing serbisyo na para sa mga mamamayan, lalong-lalo na ngayong malapit na ang pag-file ng kandidatura, gayundin dapat itigil ang paghahanap ng voter’s ID “para lang makatanggap ng serbisyo na para naman talaga sa publiko.”

Hinihiling naman ni Malaya sa publiko na i-report sa pinakamalapit na DILG field office ang LGUs na nag-hahanap ng voter’s ID para mabakunahan o para sa anumang serbisyo mula sa LGU.

Nauna rito ay sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na hindi mag-aatubili ang DILG na magsampa ng reklamo sa mga LGUs at barangay officials na parang namumulitika sa pagbigay ng serbisyo sa panahon ng kalamidad kung mayroong sapat na ebidensya.

Sa mga unang araw ng pandemya, binalaan ni Año ang mga LGUs na pinopolitika ang pamimigay ng relief goods sa mga mahihirap nating mamamayan sa panahon ng national health emergency dulot ng COVID-19.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-sa-LGUs-VOTERs-ID-hindi-kinakailangan-para-mabakunahan-mapakinabangan-ang-mga-serbisyo-ng-gobyerno/NC-2021-1188