Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) sa Metro Manila at ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na paigtingin ang pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS) bilang bahagi ng implementasyon ng bagong COVID-19 Alert Level System ngayong araw, September 16.
“Kasunod ng pagpapatupad ng alert level system sa Metro Manila, ang pinaka-basic na panuntunan ay hindi pa rin nagbabago. Dapat lang nating siguraduhin na ang mga mamamayan ay sinusunod ang MPHS katulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield, at physical distancing upang mapigilan ang pagkalat ng virus,’ sabi ni DILG Secretary Eduardo Año.
Sa bagong panuntunan na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), ang bagong quarantine classifications sa Metro Manila ay mayroon limang Alert Levels kung saan pwede na ang maraming aktibidades maliban sa mga nasa closed, crowded at close contact (3Cs).
Sinabi pa nito na ang mga LGUs at NCRPO ay dapat pakilusin ang mga task force disiplina, barangay disiplina brigades, force multipliers at police marshalls upang mapigilan ang mga ito sa 3Cs.
“Kahit na pinapayagan na ang mga aktibidad sa bagong Alert Level System, ang mga social events katulad ng party, mga kasalan, debuts, birthday at iba pang parties, family reunions, parades, motorcades at gathering sa mga private residences ay hindi pa rin pwede sa Level 4,” sabi pa nito.
Inaatasan ni Año ang mga barangay captains at hepe ng pulisya na mahigpit na bantayan ang mga aktibidad sa kanilang nasasakupan upang makasiguro na naipatutupad ang bagong panuntunan. Ang mga hindi magpatupad ng bagong regulasyon ay maaaring kasuhan ng dereliction of duty.
Ang ibang parte ng bansa ay patuloy pa rin sa ilalim ng dating Community Quarantine Classifications.
“Ito ay ginagawa na sa ibang bansa, inobserbahan na din ito ng mga health professionals at nakita na that the Alert Level System is working provided na it is in tandem with vaccination,” sabi nito.
Ang vaccination rate sa NCR ay gumaganda na. Ngayong Sepyembre 13, 8.4 milyong katao o 86.55% ng eligible population sa Metro Manila ay nakapagpabakuna na ng kahit na isang beses at anim na milyong katao o 61.38% ang may dalawang dose na ng bakuna.
Sa pahayag ng DOH, ang Metro Manila ay isinailalim sa Alert Level 4, kung saan ibig sabihin mataas o nadadadagan ang bilang ng mga kaso, na ang total bed utilization rate at intensive care unit utilization rate ay mataas.
Sa ilalim ng Alert level 4, ang outdoor o alfresco dine-in services sa mga restaurant at kainan, outdoor personal care services, at outdoor religious services ay pinayagan mag-operate sa 30 porsyentong kapasidad, habang ang indoor services ay hanggang 10 porsyento para sa mga kumpleto na ang bakuna.
Ang mga pagtitipon katulad ng necrological services, wakes, inurnment, funerals para sa mga namatay sa ibang dahilan maliban sa COVID-19 ay limitado lang sa immediate family members. Ang mga tanggapan ng gobyerno ay bukas lamang sa 20 posyentong kapasidad, kasabay ng pagpapatupad ng work-from-home at iba pang flexible work arrangement schemes.
Sa ilalim ng IATF guidelines, ang Alert Level System sa mga pilot areas ay susumahin kada linggo ng Department of Health sa tulong ng Sub-Technical Working Group on Analytical Data.
Ayon sa DILG Chief, kasama sa Alert Level System ay ang granular lockdowns na ipinatatupad din sa mga tinukoy na “critical zones” ng mga LGU, na maaring i-deklarang kahit na ano pa man ang Alert Level.
Sinabi nito na ang kapangyarihan para magpatupad ng granular lockdown sa mga barangay ay ibinibigay sa mga alkalde na may pagsang-ayon mula sa Regional Inter-Agency Task Force (RIATF).
Dagdag pa ni Año na ang granular lockdowns ay maaaring ipatupad sa isa-isang bahay kung saan may nakatirang positibo sa COVID-19, sa mga residential buildings, kalye, blocks, puroks, subdivision, o villages.
“Kailangan dito ang close coordination at cooperation, kailangan natin ang tulong ng ating mamamayan. Marami po nagtatago na sila ay na-infect, dapat kung ikaw ay nagkaroon ng close contact sabihin mo na, ‘wag nang hintayin ang symptoms,” sabi nito.
Hinihikayat ni Año ang publiko na magpabakuna, kapag nabigyan ng pagkakataon, upang maiwasan ang pagkalat ng nakakamatay na Delta variant.
Nilinaw din nito na ang voter’s ID ay hindi kailangan sa pagpapabakuna, kasunod ng balita na ang ilang LGUs sa probinsya ay naghahanap ng voter’s ID upang makakuha ng skedyul sa pagbabakuna.
“Ang ating pagbabakuna ay para sa lahat at hindi kailangang gawing requirement ang voter’s ID,” sabi nito.
Hinihikayat nito ang publiko na ireport sa DILG ang mga ganitong pangyayari kung saan ang mga barangay o LGUs ay naghahanap ng voter’s ID bago bakunahan. “Ipagbigay-alam n’yo agad sa amin sa DILG at pagpapaliwanagin namin ang mga barangay officials na iyan,” sabi nito.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-sa-NCR-LGUs-at-NCRPO-Paigtingin-ang-pagpapatupad-ng-minimum-public-health-standards-ngayong-nasa-bagong-alert-level-system-ang-Metro-Manila/NC-2021-1177