October 13, 2023
Bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kinilala at ginawaran ng 2023 Galing Pook Award ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos nitong Huwebes ang mga pinakamahuhusay na local government units (LGUs) at civil society organizations (CSOs) sa pagsusulong ng mga inobasyon at pagiging halimbawa ng maayos na pamumuno para sa mas mabisang paghahatid ng serbisyong pampubliko.
Sa kanyang mensahe sa 2023 Galing Pook Awarding Ceremony sa Lungsod ng Pasay, binati ni Abalos, na tumanggap rin ng naturang gantimpala noong siya ay nanilbihan bilang alkalde ng Mandaluyong City, ang mga nanalo at hinimok sila na makipagtulungan sa DILG at Galing Pook Foundation upang matulungan ang iba pang mga LGUs na tularan ang kanilang mga proyekto sa kanilang sariling mga komunidad.
“This October marks the anniversary of the Local Government Code of the Philippines. It speaks of autonomy, it speaks of devolution. And these winners, who exhibited beautiful projects, these are the epitome of true devolution, excellence, innovation, and resourcefulness,” wika ni Abalos.
“Kaya ang hihilingin ko sa inyo, work with us sa DILG, Galing Pook and let’s replicate these (programs) to other LGUs… It’s not just about winning, it’s not just about the awards. It’s also about sharing these beautiful practices to other (LGUs),” dagdag pa niya.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos, sa kanyang mensahe na binasa ng Kalihim, ang mga nanalo para sa kanilang mga makabago at mahusay na programa na tumutugon sa problema ng iba’t ibang mga lokalidad at nagpabubuti sa buhay ng kanilang mga mamamayan. “Your unwavering dedication and innovative spirit are a testament to the resilience and determination of the Filipino people.”
Pinasalamatan din ng Pangulo ang Galing Pook Foundation sa patuloy na pagtulong sa mga LGU at CSO na makabuo ng mga programa at panlipunang inobasyon para sa pinaghusay na paghahatid ng serbisyo publiko.
Ang mga nanalo sa 2023 Galing Pook Awards ay:
Del Carmen, Surigao del Norte: Seal of Health Governance;
Davao Oriental Province: Happy Home;
General Santos City: Shari’a Atas Bitiara;
Makati City: Virtual Queuing Management System for Health Centers;
Iloilo Province: Mobilizing Communities through People-Centered Zero Open Defecation Movement Towards Sustainable Sanitation;
Pasig City: Prehospital Care and Emergency Medical Services Medical Control Program;
Bayawan City, Negros Oriental: Fish From The Mountains: Bayawan Inland Aquaculture;
Bataan Province: 1Bataan Seal of Healthy Barangay;
Barangay Taloot, Argao, Cebu: Barangay Taloot Community-Based Integrated Approach; at
Quezon City: iRISE UP (Intelligent, Resilient, and Integrated Systems for the Urban Population).
Samantala, ang mga nanalo sa 2023 Galing Pook Citizenship Awards ay ang Ramon Aboitiz Foundation, Inc.; Lamac Multi-Purpose Cooperative; Negrense Volunteers for Change (NVC) Foundation; Health Futures Foundation, Inc.; at Espoir School of Life. Nakatanggap sila ng tropeo na dinisenyo at inukit ng kilalang Filipino visual artist na si Toym Imao.
Ang mga nagwagi ng Galing Pook Awards ay pinili mula sa 166 na lahok mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa. Mula dito, 17 finalists ang pinili, na siyang nagpresenta at dumaan sa masusing interview ng board of judges na pinangunahan ng Kalihim.
Inilunsad noong Oktubre 21, 1993, ang Galing Pook Awards ay kumilala na ng mahigit 330 programa ng mga LGU na nagmula sa humigit kumulang 200 na LGU sa bansa. Ang mga programang ito ay ipinatupad rin sa iba’t ibang mga lokalidad upang mapakinabangan ng mas marami pang mga komunidad.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Epitome-of-Excellence-Abalos-pinuri-ang-mga-kahanga-hangang-programa-ng-LGU-CSOs-ipinagkaloob-ang-2023-Galing-Pook-Award/NC-2023-1190