March 20, 2023
Binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang kahalagahan ng komunikasyon, pagiging proactive, konsultasyon at pagsusuri ng best practices kasama ang tao upang hindi magkamali ang mga bise-alkalde sa kanilang pagdedesisyon.
“Kayo ang tulay mula sa ehekutibo tungo sa mga nasasakupan at nasa inyong mga balikat ang pagpasa ng mga ordinansa at mga batas na mahalaga ‘di lamang sa inyong mga nasasakupan kundi pati sa ikabubuti ng ating bansa,” ani Abalos sa ginanap na 27th National Convention ng Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) kamakailan sa Pasay City.
(You are the bridge between the executives and the constituents, as it is on your shoulders that you must really enact ordinances and laws that are very important not only for your constituency but likewise for the national welfare of our country.)
Bilang dating alkade, alam ni Abalos na dumarating ang panahon na may deadlock, at may panahon na yung tama dinadaig kung ano ang popular.
“Mangyayari kung minsan, nasa balikat n’yo bilang vice mayors to make laws na kung minsan mabigat sa tao pero alam n’yong tama. Diyan papasok ang output. At the end of the day kung makita niyong maganda ang resulta, maniwala kayo, balewala ang unpopularity na yan,” dagdag ni Abalos.
Nagpahayag si Abalos ng kasiyahan na nakapulong niya ang VMLP at tinalakay ang mga maaari nilang gawin upang mapalutang ang kakayahan ng mga LGU at gumawa ng pagbabago sa ating bansa.
Panunumpa ng mga bagong opisyales
Nanumpa rin sa Kalihim ang mga bagong halal na opisyal ng VLMP. Kabilang sa mga ito ay sina Dean Anthony Domalanta, national president; Bernard dela Cruz, national chairman; Raymond Alvin Garcia, executive vice president; Almedzar Hajiri, national secretary-general; Maynard Francis Bumanglag, national treasurer; at Michael Galang, national auditor.
Si Willie Villegas naman ang national vice-president for administration; Carmelita Abalos, national vice-president for operation; Marissa Hao, national vice-president for finance; Erdio Valenzuela, national vice-president for Luzon; El Cid Familiaran, national vice-president for Visayas; Glenn Hatulan, national vice-president for Mindanao; Aubrey Fondevilla, national deputy secretary-general for Luzon; John Paul Lampig, national deputy secretary-general for Mindanao; Johnny Sevillana, national public relations officer for Luzon; Kathleen Bandal, national public relations officer for Visayas; at Jocelyn Rodriguez, national public relations officer for Mindanao.
Kinondena kamakailan ng VMLP ang pananambang at pagpaslang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Ayon sa kanilang pahayag, “ang kalupitan ng [mga pagpatay] ay sumasalungat sa prinsipyo ng demokrasya ng isang sibilisadong lipunang pinamamahalaan ng batas.”
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Gawin-ang-tama-huwag-ang-popular-bilin-ni-Abalos-sa-mga-bise-alkalde/NC-2023-1036