JEEPNEY MODERNIZATION, PINAG-USAPAN SA DAGYAW 2024

Coleen Irish B. Garcia, DILG IV-A  | October 1, 2024

Nasa higit 250 participants mula sa iba’t ibang Transport groups, Civil Society Organizations, at kooperatiba na may kinalaman sa tranportasyon ang dumalo at nakibahagi sa talakayan patungkol sa implementasyon ng Jeepney Modernization Program, sa isinagawang 2024 Dagyaw Open Government Town Hall Meeting na may paksang “Modernizing the King of the Road: Navigating the Route for Transport Workers and Commuters noong September 26, 2024 sa Cultural Center of Lipa, Lipa City, Batangas.

Kabilang sa napag-usapan dito ay ang mga hakbang na isinasagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office of Transportation Cooperatives (OTC) at mga suliranin na kinakaharap ng iba’t ibang transport workers at commuters tungkol sa Jeepney Modernization program.

Sa presentasyon ni Rear Admiral (RADM) Loumer Bernabe ng LTFRB Region IV-A, kanyang ibinahagi na mayroon ng 81.9% Public Utility Jeepney (PUJ) at 83.5% UV Express (UVE) units sa buong rehiyon ang kaiisa na sa modernization program, at hinihikayat pa ang ibang drivers at operators na magpa-consolidate na upang tuloy-tuloy ang kanilang pamamasada. Dagdag pa ni Executive Director Reymundo D.J. De Guzman, Jr. ng OTC, sa kabuuang 92, 385 PUJ units sa buong bansa, halos kalahati dito ay nasa CALABARZON na may bilang na 40, 698 PUJ units.

Ibinahagi rin ni RADM Bernabe ang mga social support programs na hatid ng gobyerno para sa mga displaced drivers at operators gaya ng Tsuper Iskolar Program katuwang ang Department of Transportation (DOT) at TESDA, at EnTSUPERneur Program katuwang ang DOT, DOLE, LTFRB at Office of Transportation Cooperatives (OTC).

Sa usapin naman ng kooperatiba, ibinahagi ni Dir. De Guzman na mayroon ng 277 accredited Transport Cooperatives sa buong rehiyon at 24 dito ay mayroon ng MPUV units.  Binigyang halaga din nya ang mga commuters na isa sa mga benepisyaryo at maapektuhan ng modernization program.

“Paano natin maa-assist ang ating mga commuters? Yung paglatag po nung modernization program, as much as possible hindi madi-disrupt yung current delivery of service kasi nga gusto nating i-improve ang [public transportation system]” aniya.

Matapos ang presentasyon ay nagkaroon ng open forum kasama sin RADM Bernabe, Dir. De Guzman, at mga panelists na sina G. Roberto P. Cereno, Vice-Chancellor for Community Affairs ng University of the Philippines, Los Baños, G. Emmanuel T. Ada, Vice President ng Batangas Confederation of Jeepney Operators & Drivers Association (BACJODA), Romeo Macailao, Transport Organizer ng National Confederation of Transportworkers Union (NCTU).

Ilan naman sa mga napag-usapan dito ang tulong na maaaring ibigay ng gobyerno para sa mga senior drivers at operators sa pamamagitan ng kooperatiba kung saan prayoridad na mabigyan ng hanapbuhay ang mga displaced senior drivers at operators na miyembro ng kooperatiba, maging ang kanilang mga anak o pamilya. Nabanggit din ang pagresolba sa isyu ng kolorum, at pagproseso ng loan para sa pagkuha ng MPUV, at iba pang mga isyu sa implementasyon ng modernization program.

Ayon pa kay G. Macailao, kailangan pag-usapan ang mga problemang kinakaharap, kausapin ang gobyerno at iparating ang pangangailangan para sa modernization program.

Aniya, “Tuloy ang programa pero yung pangit dun sa programa, gagawan ng solusyon. Kaya dapat nga hindi tayo natatakot dun sa modernization program”.

Nagpahayag naman ng mensahe si DILG IV-A Regional Director Ariel O. Iglesia, CESO III na binigyang diin ang kahalagahan ng modernization program bilang isang malaking hakbang tungo sa isang ligtas, mas episyente at mas environment friendly public transportation system. Dagdag pa nya, ang nangyareng diskusyon ay nagbigay linaw sa mga hamon at oportunidad ng Public Utility Vehicle Modernization Program. 

“Naiintidihan po namin ang mga alalahanin ng mga jeepney drivers at operators, at mahalaga ang inyong boses sa paghuhubog ng pagbabagong ito” saad niya. Hinikayat din ni RD Iglesia ang pagtutulungan ng bawat isa upang ang benepisyo ng modernization program ay maramdaman ng lahat.

Dumalo rin sa aktibidad sina Regional Director Nympha Manalastas ng DBM IV-A, at Assistant Regional Head Fredmoore Cavan ng PIA CALABARZON na nagpaabot ng kani-kanilang mensahe ng suporta para sa matagumpay na implementasyon ng programa sa buong rehiyon, at mapaunlad pa ang sektor ng pampublikong transportasyon.