March 26, 2024
ATTY. BENJAMIN C. ABALOS, JR.
Kalihim ng DILG
Isang mapayapa at makabuluhang paggunita ng Banal na Semana Santa sa Sambayanang Katoliko at sa lahat ng mga Pilipino.
Sa ating pagninilay-nilay sa sagrado at mahalagang panahon na ito, suriin natin ang ating mga gawa at diwa; timbangin ang ating ambag sa lipunan; at pag-isipan kung paano natin maisasabuhay ang mga aral ng ating Panginoong Hesukristo.
Sa gitna ng pagpapakita ng debosyon ng milyon-milyong Pilipino, ang inyo pong DILG at ang Philippine National Police (PNP) ay patuloy na magbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mananampalataya ngayong panahon ng Kuwaresma.
Kaya naman magpapakalat ng halos 35,000 na pulis ngayon, Marso 24 at sa Marso 28 hanggang Marso 31 sa matataong lugar gaya ng mga simbahan, pilgrim site, pasyalan, paliparan, bus terminal at pier.
Magpapakalat rin ng 427 police service dogs sa mga nasabing lugar para tumulong sa pagbabantay at pag-iinspeksyon ng mga bagahe.
Magsasagawa rin ang ating kapulisan ng mga checkpoint operation sa istratehikong mga lugar bukod pa sa mga red-teaming operation kasama ang Regional at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Councils, bilang paghahanda laban sa sakuna.
Kalakip po ng ating pagpapakita ng pananampalataya ay ang pag-iingat laban sa mga kriminal na walang pinipiling panahon upang mambiktima.
Mahigpit po ang paalala namin sa publiko na mag-ingat at maging listo upang maiwasan ang disgrasya at maging biktima ng krimen.
Be vigilant and stay safe this Holy Week!
Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/MENSAHE-KAUGNAY-NG-PAGGUNITA-NG-SEMANA-SANTA-2024/NC-2024-1061