MENSAHE NG DILG SA PAGDIRIWANG NG BAGONG TAON
Ang Bagong Taon ay simbolo ng pag-asa at bagong simula, ipinagdiriwang kasama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay. Higit pa rito, ito ay paalala ng ating sama-samang pananagutan na pangalagaan ang buhay, kaligtasan, at kapakanan ng bawat Pilipino habang tayo ay humaharap sa panibagong yugto ng ating kolektibong paglalakbay.
Sa kabila ng mga hamon na ating hinarap sa nagdaang taon, nananatiling malinaw ang layunin ng Department of the Interior and Local Government (DILG): tiyakin na ang bawat komunidad ay ligtas, handa, at may sapat na proteksyon, lalo na sa mga panahong ang pagdiriwang ay maaaring magdala ng panganib kung hindi magiging maingat.
Sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at katuwang ang DILG, ang pamahalaan ay patuloy na kumikilos nang may malinaw na direksyon at matibay na loob upang maisulong ang kaayusan, disiplina, at malasakit sa bawat pamayanan bilang bahagi ng ating adbokasiya para sa Bagong Pilipinas.
Habang tayo ay nagsasaya sa pagsalubong sa Bagong Taon, ang DILG, kasama ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), ay ganap na nakaalerto upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Patuloy ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng mga mall, simbahan, terminal, at iba pang pook na dinaragsa ng mga mamamayan.
Mahalagang idiin na ang paggamit, pagbebenta, at pamamahagi ng mga iligal na paputok ay mahigpit na ipinagbabawal. Ang mga paputok na ito ay patuloy na nagdudulot ng pinsala, sunog, at panganib sa buhay, lalo na sa mga bata. Ito ay isang responsibilidad na hindi lamang ng pambansang pamahalaan, kundi ng bawat komunidad.
Kaugnay nito, nananawagan ang DILG sa ating mga barangay na manguna sa pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa iligal na paputok. Bilang pinakamalapit na pangkat ng pamahalaan sa mamamayan, ang barangay ang unang linya ng proteksyon sa komunidad. Ang maagap na pagbabantay, malinaw na paalala, at aktibong koordinasyon sa PNP at BFP ay mahalagang hakbang upang maiwasan ang disgrasya at masigurong ligtas ang pagdiriwang sa bawat tahanan.
Patuloy ring magsasagawa ang Bureau of Fire Protection ng mga inspeksyon at pag-iikot upang magpaalala laban sa sunog at tiyakin ang kahandaan ng mga pamayanan, lalo na sa mga lugar na may mataas na panganib.
Sa oras ng emergency, hinihikayat ang publiko na agad tumawag sa Unified 911 hotline upang masigurong mabilis at epektibo ang pagtugon ng ating mga emergency responder.
Sa pagsalubong natin sa Bagong Taon, makaaasa ang mamamayan na ang DILG, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang ating mga lokal na pamahalaan, ay patuloy na kikilos upang masiguro ang isang pagdiriwang na hindi lamang masaya, kundi ligtas, disiplinado, at may malasakit sa kapwa, habang tinatahak natin ang landas tungo sa isang mas maayos na taong 2026.
Isang mabiyayang Bagong Taon po sa ating lahat!



























