MENSAHE NG KALIHIM

JUANITO VICTOR “JONVIC” C. REMULLA
Kalihim, Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal

Isang mabiyayang panahon ng Kapaskuhan sa aking mga kasama sa paglilingkod sa DILG at sa ating mga kababayan.

Ang taong 2025 ay muling nagpatunay ng tatag at paninindigan ng DILG sa pagtupad sa bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa isang mas maayos, mas ligtas, at mas makataong Pilipinas. Hindi naging madali ang taon, ngunit sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at tapat na serbisyo, nagawa nating tumugon sa mga hamon na may malinaw na layunin at malasakit sa kapwa.

Sa puso ng lahat ng ito ay kayo, ang mga kawani ng DILG, lalo na ang mga nasa field offices. Kayo ang nanatiling matatag sa gitna ng bagyo, sakuna, at krisis. Sa inyong pagsisikap, nakapaghatid tayo ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad, nakatulong sa pagpapanumbalik ng kaayusan, at nanindigan laban sa katiwalian, kriminalidad, at iba pang suliraning panlipunan. Ang bunga ng inyong trabaho ay ramdam hanggang sa pinakamalayong komunidad ng ating bansa.

Habang papalapit ang Pasko, nais kong ipaabot ang taos-pusong pasasalamat ng Kagawaran sa inyong sipag, sakripisyo, at hindi matitinag na dedikasyon sa serbisyo publiko. Ang tunay na tagumpay at biyaya ng DILG ngayong Kapaskuhan ay kayo, ang mga mahuhusay, matitino, at maaasahang lingkod-bayan na patuloy na nagsisilbi nang may dangal at malasakit.

Dalangin ko na mapasainyo ang mga biyaya at pagmamahal na karapat-dapat sa inyo at sa inyong mga pamilya. Nawa’y mapuno ng init at pag-asa ang inyong mga tahanan, tulad ng pusong patuloy ninyong iniaalay sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

Muli, Maligayang Pasko at mabuhay ang pamilyang DILG.