P281.3-B budget ng DILG para sa 2025, aprubado na sa Kamara; Abalos nagpasalamat sa mga kongresista
September 19, 2024
Aprubado na sa Kamara ang P281.3-B na panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa susunod na taon, na mas mataas ng anim na porsiyento sa inaprubahang halaga para sa 2024.
Dahil dito ay lubos na pinasalamatan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mga kongresista sa pangunguna ni Rep. Luisa Lloren Cuaresma ng Lone District ng Nueva Vizcaya at mga co-sponsor niya.
“I thank Representative Cuaresma (and her co-sponsors) for successfully defending DILG’s budget to her colleagues in the House of Representatives. Naiintindihan po natin na kailangan nilang busisiin nang husto ang budget ng Kagawaran dahil pera ito ng bayan,”�ani Abalos.
Tiniyak din niya na ang nasabing pondo ay mapupunta sa mga programa at proyekto ng Kagawaran para mapanatili ang katahimikan, kaunlaran, kapayapaan at kaayusan sa buong bansa, na naka-disenyo lahat para makatutulong talaga sa mga mamamayan.
Ang mga ahensya at tanggapan sa ilalim ng Kagawaran ay kinabibilangan ng Office of the Secretary, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Local Government Academy.
Kasama din sa mga ahensiya sa ilalim ng DILG ang National Police Commission, National Commission on Muslim Filipinos, Philippine Commission on Women, Philippine Public Safety College at National Youth Commission.
Sa ilalim ng panukalang budget ng DILG, ang PNP ang magkakaroon ng pinakamalaking bahagi sa 73.3% o P206.2-B, kasunod ang BFP na may P31-B at ang BJMP na may P29.2-B.
Ipinahayag ni Cuaresma na isang karangalan at pribilehiyo na i-sponsor ang mungkahing budget ng DILG para sa taong 2025.
Ang iba pang mga co-sponsor ng proposed budget ay sina Agusan del Norte 1st District Rep. Jose Aquino II, Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, at Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella.
Kasama rin nila sina Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco, Jr. at si BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Ang Co.
Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/P2813-B-budget-ng-DILG-para-sa-2025-aprubado-na-sa-Kamara-Abalos-nagpasalamat-sa-mga-kongresista/NC-2024-1120