April 5, 2023
Sa patuloy na paggulong ng “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) Program sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang “Padyak Kontra Droga, Bisikleta Iglesia: BIDA Bayanihan ng mga Mamamayan” sa Boac, Marinduque Martes ng umaga.
Mismong si DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang nanguna sa pag-arangkada ng kauna-unahang biking activity sa ilalim ng BIDA Program na naglala yong paigtingin ang kamalayan ng publiko laban sa iligal na droga at hikayatin ang mga mamamayan na maging aktibo at pangalagaan ang kanilang pangagatawan.
“Ngayong araw, ipapakita natin na tayo ay nagkakaisang tumitindig kontra iligal na droga. Papadyak tayo bilang isang bayan, lalabanan natin ang iligal na droga para sa ating kabataan at sa susunod pang henerasyon,” ani Abalos.
Kasamang nagbisikleta ng Kalihim ang 160 bike enthusiasts sa rehiyon, mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, at ilang opisyal na kinabibilangan nina PNP officer-in-charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Marinduque Governor Presbitero Jose Velasco, Jr., at DILG-MIMAROPA Regional Director Karl Caesar Rimando.
Kasama rin sa BIDA Caravan sina DILG Undersecretary for Operations Lord Villanueva, Undersecretary for Plans, Public Affairs, and Communication Margarita Gutierrez, Assistant Secretary Florida Dijan, Assistant Secretary Elizabeth de Leon, Boac Mayor Armi Carrion at Mogpog Mayor Augusto Leo Livelo.
Bilang paggunita sa Semana Santa, dumaan din ang mga BIDA bikers sa iba’t ibang pilgrim sites at simbahan sa bayan ng Boac tulad ng Immaculate Conception Cathedral, St. Raphael the Archangel Parish, at St. Joseph Spouse of Mary Parish upang bigyang-diin ang kahalagahan ng partisipasyon ng lahat ng sektor ng lipunan, kabilang na ang simbahan at faith-based organizations, sa laban kontra droga.
Ito na ang ika-pitong yugto ng BIDA Caravan na unang inilunsad sa Metro Manila kung saan 16K indibidwal ang lumahok sa fun run at iba pang wellness activities noong Pebrero 26. Sinundan ito ng fun run at walkathon sa Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Region X at Region II.
Ayon sa Kalihim, humigit kumulang 36K BIDA advocates na ang nakilahok sa mga aktibidad ng DILG sa ilalim ng naturang programa mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“With the BIDA program, we are showing that through our united efforts, we are all acting toward making a wake-up call to the people and to the community that we serve,” ani Abalos.
“Kaya halos linggo-linggo takbo ako nang takbo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, ngayong araw magbi-bisekleta ako, upang mahikayat ang publiko lalong-lalo na ang kabataan na yakapin ang healthy at active lifestyle at talikuran ang iligal na droga,” dagdag pa niya.
Inilunsad noong Oktubre 2022, ang BIDA program ay ang pinaigting at mas holistic na kampanya laban sa iligal na droga na nakatutok sa drug demand reduction gamit ang “grassroots approach” para himukin ang mga mamamayan na maging aktibong katuwang ng pamahalaan para wakasan ang suliranin ng droga na nakakaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na sa mga kabataan.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Padyak-kontra-Droga-Kauna-unahang-BIDA-Bike-activity-umarangkada-sa-Marinduque/NC-2023-1052