November 29, 2023
ATTY. BENJAMIN C. ABALOS, JR.
Kalihim ng DILG
Ngayong malapit na ang Kapaskuhan, inaatasan natin ang lahat ng local chief executives sa buong bansa na bumuo at siguruhin ang pagkilos ng kani-kanilang Local Price Coordinating Council (LPCC), upang subaybayan at tutukan ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang mga produktong pang-Noche Buena.
Tungkulin ng mga LPCC na protektahan ang mga mamimili. Kaya inaasahan ko na maglalatag kayo ng mga hakbang para pangalagaan ang kanilang kapakanan at interes at siguruhing sulit ang halaga ng kanilang binibili.
Katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at iba pang ahensya ng gobyerno, dapat nating siguruhin na walang mananamantala sa ating mga kababayan ngayong Kapaskuhan.
Ngayon pa lang ay mag-iikot na kayo sa mga palengke, supermarket at iba pang pamilihan upang tiyakin na stable ang suplay at nakaayon sa suggested retail price ang binebenta nilang mga produktong pang-Noche Buena.
Bantayan natin ang labis at hindi makatwirang pagtaas ng presyo!
Kaugnay nito, binabalaan natin ang mga indibidwal at pamilihan na nagbabalak lumabag sa mga alituntunin ng pamahalaan. Sumunod po tayo sa suggested retail price (SRP) ng mga produkto na itinalaga ng DTI. Bawal na bawal ang overpricing!
Ang diwa ng Kapaskuhan ay pagmamahalan at pagbibigayan. Huwag po nating gamitin ang okasyong ito para mang-abuso ng mga mamimili.
Maging responsableng negosyante upang maging masaya at masagana ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng bawat Pilipino.
Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-SA-PAGBUO-AT-PAGPAPAKILOS-SA-MGA-LOCAL-PRICE-COORDINATING-COUNCIL-NGAYONG-KAPASKUHAN/NC-2023-1260