PAHAYAG NG DILG SA PAGGUNITA SA PISTA NG POONG NAZARENO
Nakikiisa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga deboto at mananampalataya sa pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Poong Nazareno at pagsasagawa ng taunang tradisyon ng Traslacion sa Enero 9, 2026.
Sa mahalagang okasyon na ito, nananatiling prayoridad ng DILG at ng Philippine National Police (PNP), ang kaligtasan ng lahat ng mga debotong makikiisa sa Traslacion. Bagaman walang natanggap na banta, mananatiling nakaalerto ang higit sa 15,000 kapulisan at ang mga force multipliers upang tiyakin ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga deboto. Makaaasa po kayong may mga pulis sa mga ruta na dadaanan ng Mahal na Poong Nazareno.
Samantala, muli pong pinaaalalahanan ang mga deboto na ipinagbabawal ang mga matatalim at nakasusugat na bagay tulad ng payong, kutsilyo at iba pa. Bawal din po ang mga baril, paputok at pyrotechnic devices, mga lalagyang babasagin para sa tubig, at ang pagsusuot ng hoodie jackets at mga sombrero.
Nakatutok ang DILG at PNP sa mahalagang araw na ito ngunit mariin po naming pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na maging alerto laban sa mga kriminal at masasamang loob.
Sa pagsisimula ng taon, maging inspirasyon nawa ang Mahal na Poong Nazareno sa sama-sama nating pagkilos tungo sa isang mas maunlad at progresibong Bagong Pilipinas.



























