November 29, 2023

Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
DILG Secretary

Kahapon ay nahuli sa isang entrapment operation sa Bgy. Sicade, Kumalarang, Zamboanga del Sur ang isa na namang miyembro ng Bureau of Fire Protection na umano’y sangkot sa recruitment-for-a-fee scam.

Bago naaresto si Fire Officer 3 Jesson Albios Casane na naka-assign sa Isabela City ay ilang mga kasapi na rin ng BFP ang nadakip dati dahil sa halos parehong modus operandi.

Nakalulungkot ang ganitong mga pangyayari.

Napakahalaga at sensitibo ang tungkuling ginagampanan ng mga bumbero sa ating mga pamayanan.

Buhay at kabuhayan ng ating mga mamamayan ang nakataya, kaya nararapat lamang na tanging pinakamahuhusay na mga tagapamatay-sunog ang maglilingkod sa BFP.

Dahil dito, inaatasan ko si Fire Director Louie Puracan na maging mahigpit sa recruitment at selection process.

Dapat matiyak na pawang mga karapat-dapat lamang at may kasanayan ang mga tauhan na kukunin nila sa kanilang hanay.

Maliban dito dapat ding lansagin ang anumang sindikato na maaaring kumikilos sa loob ng BFP.

Ang kailangan natin sa BFP ay matitino, mahuhusay at maaasahan.

Kaugnay nito ay binabalaan ko ang mga nagbabalak pang gumawa o kasalukuyang gumagawa ng iligal na gawain sa BFP: Itigil na ninyo ang masama ninyong gawain bago mahuli ang lahat. Mahuhuli rin kayo at sisiguraduhin kong mananagot kayo sa batas!

Sa mga nagnanais naman na mag-apply sa BFP ay sa tamang tanggapan lamang po kayo lumapit.

Walang palakasan sa BFP at iba pang tanggapan ng DILG kaya makakaasa kayo sa maayos at tamang proseso.

Original Article at: https://www.dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-SA-PAGKAKADAKIP-SA-TAUHAN-NG-BFP-NA-UMANOY-SANGKOT-SA-RECRUITMENT-FOR-A-FEE-SCAM/NC-2023-1259