PAHAYAG NG DILG UKOL SA MAPAYAPANG PAGDIRIWANG NG PASKO
Ipinaaabot ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang taos-pusong pasasalamat sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at local government units (LGUs) sa kanilang paglilingkod at pagbabantay upang matiyak ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Pasko sa buong bansa ngayong taon.
Ayon sa PNP, walang naitalang anumang insidente sa gitna ng siyam na araw ng Simbang Gabi at bisperas ng Kapaskuhan. Salamat sa ating masisipag na kapulisan, katuwang ng force multipliers, volunteers, at LGUs na tinutukan at nakaposte sa mga simbahan, transport hubs, at iba pang matataong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Nanatili ding naka-alerto ang BFP para sa fire safety inspections at monitoring ng mga fireworks displays ngayong Kapaskuhan. Aktibo pa rin silang nakikipag-ugnayan sa PNP at LGUs upang matiyak ang ligtas na paggamit ng mga ligal na paputok at pyrotechnics sa mga pamayanan lalo na sa paparating na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Makakaasa ang sambayanang Pilipino na ang DILG, kasama ang PNP, BFP, at LGUs, ay kanilang magiging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan anuman ang selebrasyon.



























