PAHAYAG NG DILG UKOL SA MAPAYAPANG PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Sa pagsalubong ng Bagong Taon, kinikilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang sama-samang pagsisikap ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng bawat Pilipino sa buong bansa.
Nanatiling mapayapa ang pagtatapos ng taong 2025 sa kabila ng ilang naitalang insidente ng firecracker injuries, pinsala sa ari-arian, at stray bullet cases. Mahalaga ring tandaan na walang naiulat na nasawi o naganap na major crimes, bunga ng masinsing pagpapatupad ng PNP ng mga security preparations para sa pagpasok ng 2026. Patuloy ang pagbabantay ng kapulisan, katuwang ang force multipliers at mga volunteer, lalo na sa mga transport hubs at tourist destinations, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga sunog na may kaugnayan sa paputok noong 2025. Sa pagsisimula ng 2026, isa lamang ang naitalang fire incident, na patunay ng epektibong pagpapatupad ng programang “Oplan Paalala: Iwas Paputok” at ng aktibong pakikiisa at disiplina ng publiko.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nananatiling nakahanda ang DILG, kasama ang PNP at BFP, upang tiyakin ang tuluy-tuloy na kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng bawat Pilipino habang patuloy na hinaharap ang mga hamon ng bagong taon.



























