March 13, 2023

Nakiisa ang humigit-kumulang sa 10k runners mula CALABARZON sa tuloy-tuloy na pag-arangkada ng “Buhay Ingatan, Droga Ayawan (BIDA) Bayanihan ng Mamamayan” Fun Run na ginanap kaninang madaling-araw sa Greenfield City, Brgy. Don Jose, City Santa Rosa, Laguna.

Ito ang ikatlong yugto ng BIDA Fun Run na naglalayong hikayatin ang mga mamamayan na maging physically fit o paunlarin ang health and wellness ng mga tatakbo ngunit higit sa lahat ay paigtingin ang awareness ng publiko laban sa iligal na droga.

Ayon kay DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., na siyang nanguna sa aktibidad, ang pagsasagawa ng fun run ay bahagi ng “grassroots approach” para himukin ang mga mamamayan na maging aktibong katuwang ng pamahalaan para wakasan ang suliranin ng droga na nakakaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na sa mga kabataan.

“Bakit natin ginagawa ito? Sa mga nakakulong ngayon, 70 percent ang drug-related. Pito sa bawat sampu ang may kinalaman sa droga. Ang pinakamasaklap pa, sa mga nagsilbi ng kanilang sentensiya at nakalaya na, 30 percent, o tatlo sa kada sampu, ang bumabalik sa kulungan. Ganoon kalala ang drug problem,” ani ng kalihim.

Binanggit din ni Abalos na isa sa nag-udyok sa pamahalaan para ilunsad ang BIDA Program ay ang nakaraang pagkahuli sa mga iilang matataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagkakasangkot nila sa mga operasyong may kaugnayan sa iligal na droga.

“I tell you this: lilinisin natin ng husto ito. Ang importante dito, while law enforcement authorities are doing their thing, para itong puno. Huli ka ng huli, pero baka may tumubong bagong sanga. Ang importante, habang tinatanggal natin ang sanga ng puno, inuugat natin ito. This is what the BIDA Program is all about,” dagdag pa niya.

Kasama ni Abalos na nanguna sa aktibidad sa Laguna ay sina Sta. Rosa Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold Arcillas.

Sa pambungad na talumpati ni Mayor Arcillas, binanggit niya na napakaimportante ng adbokasiya ng BIDA para sa mga taga-Santa Rosa at ibinida rin na ang lungsod ang unang nagtayo ng drug rehabilitation center – ang Balay Silangan at Dangal ng Pagbabago.

Ani Arcillas, “We rise up not just for emergencies, but also for advocacies as well. Right now, what we have is one of the most important advocacies: promote peace and order by creating a healthy and safe environment for everyone sa pamamagitan ng paglaban sa iligal na droga.”

Magpapatuloy ang BIDA Fun Run sa mga susunod na linggo sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas para itaas ang kamalayan ng publiko na lahat ay kailangan ng kumilos at maging bida para tuldukan ang iligal na droga.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/10k-runners-ng-CALABARZON-nakiisa-at-lumahok-sa-BIDA-Fun-Run-sa-Sta-Rosa-Laguna/NC-2023-1034