March 30, 2023
Humigit kumulang sa 575 kilo ng shabu na tinatayang na nagkakahalaga ng P4-bilyon ang nakumpiska ng mga autoridad Miyerkules ng hapon mula sa isang Chinese national sa bisa ng isang search warrant na isinagawa sa isang bodega na pag-aari nito sa Purok 4, Barangay Irisan, Baguio City.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., ito ay masasabing pinakamalaking huli ng iligal na droga sa Cordillera Region. Dagdag pa niya na simula pa lamang ang raid na ito ng isang mahabang operasyon na pinangungunahan ng mga pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“This is a continuing operation. Ang approach dito ay whole-of-nation approach – hindi lang ang PDEA ang gagalaw, hindi lang ang kapulisan o ang NBI – sanib-puwersa po ito,” aniya. “Sa mga taga-Cordillera, huwag kayong mabigla, dahil ang pag-imbak dito ay hindi naman for distribution dito sa Cordillera. Ito ay malamang na ididistribute sa iba pang mga lugar, kaya apektado po ang buong bansa dito,” binanggit din niya.
Sa pangunguna ni Abalos, pinresenta ang mga nakumpiskang tea bags ng shabu sa harap ng mga miyembro ng media, kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Jr., mga opisyal ng PNP, Punong Barangay Arthur Carlos ng Irisan, DOJ Representative Philip Caesar R. Castle, bukod sa iba pa.
Abot-abot ang papuri ng Kalihim ng DILG sa mga bumubuo ng task force, partikular na kina PDEA Director General Virgilio Lazo, General Jonnel Estomo ng PNP, at NBI-AIDD Chief Atty. Joel Tovera.
“I would like to commend these people. Malaking halaga ito. Hindi sila nadadala sa pera, at higit sa lahat, this is good operational police work. Eto yung kalidad ng mga taong ito. Hindi po biro ito. Binubuwis nila pati ang buhay nila. This is why I salute all of them,” aniya.
Arestado mula sa raid si Hui Ming, o alias “Tan”, isang 51-anyos na Chinese national na naninirahan sa Baguio City. Nasa kustodiya na ng BCPO Irisan Police Station (PS-9) si Ming, kung saan mananatili siya habang pinoproseso ang pagsampa sa kanya ng kasong paglabag sa sa Republic Act. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/ABALOS-575-KILO-NG-SHABU-NA-NAGKAKAHALAGA-NG-P4-BILYON-NASABAT-SA-CORDILLERA-ISANG-CHINESE-NATIONAL-ARESTADO/NC-2023-1045