April 11, 2023

Naghatid ng tulong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kaninang umaga sa mga barangay at residente na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Tumulak si Abalos kasama si MMDA Chairperson Romando Artes at iba pang opisyal ng gobyerno papuntang Pola, Oriental Mindoro at nagdala ng water filter at purifying system bukod sa mga relief goods para sa mga apektadong lugar.

Matatandaan na lumubog ang barkong MT Princess Express sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023 na nagdulot ng patuloy na kumakalat na oil spill sa probinsiya at karatig lugar.

Nakipagpulong rin sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Oriental Mindoro, munisipyo ng Pola si Abalos upang mas maging epektibo ang koordinasyon at mapabilis ang paghatid ng serbisyo publiko sa lugar.

Hinarap rin ng Kalihim at ng kanyang mga kasama ang mga residenteng naapektuhan ng oil spill sa bayan ng Pola upang direktang mapakinggan mula sa kanila ang kanilang kagyat na mga pangangailangan.

“Nakikiusap po ako sa ating lahat na naririto, patuloy po tayong magtulungan. Sama-sama at tulong-tulong po tayo sa pagbangon hanggang tuluyan nating maipanumbalik ang dating kalinisan at kaayusan ng ating mga karagatan dito sa Oriental Mindoro,” dagdag ni Abalos.

Bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan ngayong Abril 10, inudyokan din niya ang mga taga Oriental Mindoro na maging bagong bayani at makiisa sa pamahalaan para mas mapabilis ang pagresolba sa patuloy na kumakalat na oil spill sa probinsiya.

“Ngayong araw kung kailan inaalala natin ang kabayanihan at katapangan ng libo-libong mga sundalong Pilipino at Amerikano sa kamay ng mga mananakop na Hapon, pinapasalamatan natin ang iba’t ibang mga sangay ng gobyerno at pribadong sektor na na nagtutulong-tulong sa pag-aksiyon sa nangyaring sakuna,” ani Abalos.

Sa ulat na ipinarating sa DILG mula sa Oriental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), isinawalat ni Abalos na umabot na sa 143 barangays, at 24,292 pamilya o 121,292 katao ang apektado sa nasabing oil spill. May 208 sa kanila ay kasalukuyan pang inoobserbahan pa o gumaling na mula sa pagkasakit o pagkasugat dulot ng insidente.

Sinabi ni Abalos na maliban sa apektadong mga buhay ng tao, apektado rin ang 14 na marine protected areas/sanctuaries at 68 pook pasyalan sa 11 na lugar sa Oriental Mindoro.

“Malaking pinsala po ang naidulot ng insidenteng ito sa turismo, kapaligiran, kabuhayan, pagkain, at buhay ng mga taga Oriental Mindoro,” saad niya.

Nagpasalamat naman si Abalos sa mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Provincial Agriculture Office, Provincial Health Office, Municipal Health Office, Philippine Coast Guard, Provincial Social Welfare and Development Office, Department of Social Welfare and Development Office, 203rd Brigade Philippine Army, Department of Information and Communications Technology, Department of Labor and Employment, Provincial Tourism Office, Oriental Mindoro Provincial Police Office, at Philippine Coast Guard Auxiliary sa kanilang masigasig na pagserbisyo para maisaayos ang karagatan ng probinsiya at alalayan ang apektadong mga residente.

Kabilang rin sa mga pinasalamatan ng Kalihim ang pribadong sektor sa industriya ng barko at karagatan particular na ang Harbor Star Shipping Services, Inc., International Tanker Owners Pollution Federation, Le Floch Depollution, NextGen Foundation & Oceanus Conservation, at Malayan Towage and Salvage Corporation sa kanilang pakikiisa sa pamahalaan sa layuning mapanumbalik sa dating anyo ang karagatan ng Oriental Mindoro.

Nagpaabot rin ng pasasalamat si Abalos sa mga gobyerno ng ibang bansa sa kanilang ipinaabot na tulong sa bansang Pilipinas para sa layuning ito.

“On behalf of our beloved President Ferdinand R. Marcos, Jr., the Philippine government likewise expresses our deepest appreciation to our country’s allies: the Japanese Government, US Government, Korean Government, and UK Government for extending their expertise; deploying personnel to support the ongoing oil spill operations; and providing equipment to help the massive clean-up in affected coastal barangays,” dagdag pa niya.

Samantala, hinimok niya ang lahat ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa buong bansa na maging makabagong bayani at magsagawa ng mga makahulugang aktibidad bilang pagtanda sa Araw ng Kagitingan ngayong araw.

Sa isang Memorandum Circular 2023-055, inatasan ni Abalos ang mga gobernador, mayor, ang punong barangay na makiisa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan sa pamamagitan ng paglagay ng watawat at pagsagawa ng mga aktibidad sa kani-kailang lugar.

Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at ang Department of National Defense naman ay nagdaos ng isang commemorative program kaninang umaga sa Mt. Samat Memorial Shrine, Pilar, Bataan.

Ang ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ngayong taon ay may temang “Kagitingan ng mga Beterano, Pundasyon ng Nagkakaisang Pilipino.”

Mula sa nakasanayang Abril 9, inilipat ang nasabing selebrasyon sa Abril 10 ngayong taon sa bisa ng Proclamation No. 90 s. 2022.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/ABALOS-AT-MMDA-NAGDALA-NG-WATER-FILTER-AT-PURIFYING-SYSTEM-SA-MGA-RESIDENTE-NG-ORIENTAL-MINDORO/NC-2023-1056